P1M reward laban sa mga salarin HUSTISYA KAY KA PERCY

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

HUSTISYA ang hiling hindi lamang ng pamilya at mga kaanak ng hard-hitting broadcast at print journalist na si Ka Percy Lapid kundi maging ng kanyang followers at iba pang personalidad sa lipunan.

Kahapon ng umaga, agad nag-trending sa social media ang #JusticeForPercyLapid kung saan bumuhos ang pakikiramay ng netizens.

Para naman sa pamilya ni Lapid o Percival Mabasa, ang karumal-dumal na pamamaslang dito ay hindi lamang sa kanila ginawa kundi maging sa mga kaibigan, kasamahan sa media, supporters, sa katotohanan, sa propesyon at sa bansa.

“His bold and sharp commentaries cut through the barrage of fake news over the air waves and social media. We demand that his cowardly assassins be brought to justice”, bahagi ng statement ng pamilya Mabasa.

P1M Pabuya

Kaugnay nito, nag-alok ng isang milyong pisong pabuya si Atty. Alex Lopez sa sinomang makapagbibigay ng impormasyon at makapagtuturo sa pumaslang kay ka Percy.

Kasunod ng pag-aalok ng pabuya ay mariing kinondena ni Lopez ang walang habas na pagpaslang sa mamamahayag.

Ayon kay Lopez, kailanman ay hindi dapat binubuwag ang malayang pamamahayag at pagpapatahimik sa boses ng katotohanan.

Nanawagan at umaasa rin si Lopez na gagawin lahat ng pamunuan ng Philippine National Police (PNP) upang madakip ang mga salarin at maituro ang utak ng krimen.

Iginiit pa ni Lopez na panahon na upang putulin ang walang habas na pagpatay sa mga miyembro ng media. Tulad ni Lapid na sa kanyang mga programa ay naghahanap siya ng katotohanan at hustisya para sa magandang pamahalaan lokal man o nasyonal, dapat din aniyang makamit niya ito.

24-Oras Ultimatum

Agad namang binigyan ng 24-oras na taning ni National Capital Region Police Office (NCRPO) Acting Regional Director PBGen. Jonnel Estomo ang mga imbestigador at si Las Piñas Chief of Police PCol. Jaime Santos para resolbahin ang pamamaslang.

“I am deeply saddened and we condemn this crime resulting in the death of [Mabasa] aka Percy Lapid, DWBL radio commentator, who was shot dead on October 3, 2022 at the gate of BF Resort Village in Talon Dos, Las Piñas,” ayon kay Estomo.

“Likewise, I have given the investigator and the Chief of Police PCOL Jaime Santos, 24 hours to shed light on the matter and solve the case. We assure to provide an update as soon as available,” aniya.

Bumuo na rin ng Special Investigation Task Group o “SITG Lapid” upang maigawad ang hustisya sa biktima at sa kanyang pamilya.

Kabilang aniya sa mga miyembro ng task group ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG-NCR) at Philippine National Police-Intelligence Group (PNP-I).

Ikinabahala sa Kamara

Labis namang ikinabahala sa mababang kapulungan ng Kongreso ang pagpatay kay Lapid dahil indikasyon umano ito na tuloy at lumalala ang extrajudicial killings.

“Nakakabahala na talaga ang pagpapatuloy at paglala ng extra-judicial killings at harassment sa bansa at ang tinatarget ay mga kritiko,” ani ACT Teacher party-list Rep. France Castro na nagpatawag ng imbestigasyon.

Sa kanyang huling radio program noong September 30, binanatan ni Lapid sina dating Pangulong Rodrigo Duterte at dating National Task Force-End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) spokesperson Lorraine Marie Badoy dahil sa pangrered-tag sa iba’t ibang personalidad na hindi sumasang-ayon sa kanila.

“Sa ganito natin makikita na kadalasan ang hustisya sa ating bansa ay para lang sa mayayaman o makapangyarihan at kung ikaw ay nagsisiwalat lang ng katotohanan ay nirered-tag ka at sinisiraan para atakehin,” ayon pa kay Castro.

Dahil dito, umapela ang mambabatas sa Commission on Human Rights (CHR) na imbestigahan ang pagpatay kay Lapid upang mapanagot ang mga nasa likod ng nasabing krimen.

Maging sa Kongreso ay umapela si Castro na magsagawa ng moto propio investigation lalo na’t palala nang palala umano ang red-tagging at maging ang EJK.

Attack on Press Freedom

Sa Senado, kinondena nina Senador Risa Hontiveros at Robin Padilla ang pagpaslang kay Lapid na itinuring nilang matinding pag-atake sa press freedom.

“This is a brazen attack on press freedom. But this also demonstrates the inherent power of speech and truth telling,” ayon kay Hontiveros

Ayon pa sa senador: “Sir Percy was a strong dissenting voice that made sure government officials did not become too comfortable with power. Ang pagpatay tulad ng kay Percy ay tila may pagpapahiwatig na kung kontra ka, kung kritikal ka, patatahimikin ka.”

Sinabi ni Hontiveros na hindi sila puwedeng patahimikin ng pagpaslang kay Lapid kabilang ang iba pang journalists sa paglalantad ng katotohanan at katiwalian sa pamahalaan.

 

“Percy’s death, and all the deaths of all other journalists before him, will never silence us. We will never tolerate a society that is afraid of the truth. Patuloy nating ipaglalaban ang katarungan at katotohanan, para na rin sa ating mga anak,” ani Hontiveros.

“I join Percy’s family and friends in their grief and call for justice. I call on authorities to conduct an impartial investigation and speedily get to the bottom of this murder,” giit pa ng senador.

“To our friends in the media, I am with you. We will continue to hold the line with you,” patapos ng senadora.

Sa kanyang bahagi, sinabi naman ni Padilla na walang puwang sa ating lipunan ang ganitong karumal-dumal na krimen, maging nasa media man, sibilyan, o unipormado man.

“Ang pagkakapaslang na ito sa isang mediaman ay pagyurak po sa malayang pamamahayag na pinagtitibay ng ating Saligang Batas,” giit pa ng senador.

“Ako po ay nakikiramay sa pamilya at sa mga mahal sa buhay na iniwan ni Percy – at nananawagan sa ating mga awtoridad na hulihin ang mga salarin at lutasin ang karumal-dumal na krimeng ito sa lalong madaling panahon,” aniya.

Papanagutin

Nanawagan din ang National Union of Journalists of the Philippines (NUJP) sa PNP na papanagutin ang mga nasa likod ng brutal na pamamaslang.

“The killing shows that journalism remains a dangerous profession in the country. That the incident took place in Metro Manila indicates how brazen the perpetrators were, and how authorities have failed to protect journalists as well as ordinary citizens from harm,” bahagi ng statement ng NUJP.

Si Lapid ay pinagbabaril ng riding-in-tandem malapit sa gate ng Sta. Cecilia, BF Resort Village, Barangay Talon 2, Las Piñas City pasado alas-8, Lunes ng gabi.

Ayon sa pamilya nito, magsasagawa na ng kanyang online program ang biktima nang mangyari ang pananambang.

Si Lapid ay broadcaster ng DWBL na may mahigit 200K followers sa Youtube at Facebook.

Dati rin siyang brodkaster ng DWIZ at DZRJ, bukod sa pagiging kolumnista sa ilang pahayagan na may kaparehong titulo ng kanyang programa sa radyo. (Pinagsamang ulat nina JESSE KABEL, DAVE MEDINA, BERNARD TAGUINOD, ESTONG REYES, RONALD BULA)

250

Related posts

Leave a Comment