(Ni JOEL O. AMONGO)
Aabot sa P2.4 milyong halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng mga operatiba ng Bureau of Customs – Port of Zamboanga noong Setyembre 28.
Ayon sa report, ang BOC, kasama ang elemento ng Philippine Coast Guard, Task Force Aduana, Naval Intelligence and Security Group Western Mindanao at Naval Special Operations Unit, ay nagsagawa ng pinagsamang anti-smuggling operation sa bisinidad ng karagatan ng Istanbak, Lower Calarian, Zamboanga City.
Sa naturang operasyon, nalambat ang naturang kontrabando.
Ayon kay BOC-Zamboanga District Collector Atty. Segundo Sigmundfreud Z. Barte, Jr., nag-ugat ang operasyon mula sa natanggap nilang impormasyon na may kahun-kahon umanong smuggled cigarettes ang nakasakay sa MJ Champion, isang wooden watercraft na ang tawag ay “Jungkung” mula Jolo, Sulu at patungong Magay at Sta. Cruz Public Market, Zamboanga City kung saan ito ide-deliver.
Dahil dito, isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang inisyu laban sa smuggled cigarettes bilang paglabag sa Executive Order No. 245, ang Amended Rules and Regulations Governing the Exportation and Importation of Leaf Tobacco and Tobacco Products, at Section 117 ng Republic Act No. 10863, o mas kilala sa tawag na Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang WSD ay inisyu rin laban sa bangkang MJ Champion, na nagkarga ng smuggled cigarettes bilang paglabag sa Section 1113 ng CMTA.
Noong Setyembre 18, ang Port of Zamboanga ay nakasabat na rin ng 30 cartons ng iba’t ibang cigarettes na may halagang P900,000 na nakasakay sa dalawang hatch back type na sasakyan sa loob ng Pier Area sa Zamboanga City.
