UMABOT sa P2,040,000 halaga ng hinihinalang shabu ang nakumpiska ng mga operatiba ng District Drug Enforcement Unit (DDEU) ng Eastern Police District (EPD) sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Pinagbuhatan dakong alas-5 ng hapon noong Enero 26.
Arestado ang dalawang suspek na sina alyas “Ryan”, itinuturing na high value individual (HVI), at alyas “Andrea”, parehong 24-anyos at residente ng nasabing barangay.
Batay sa ulat na nakarating kay PCol. Villamor Tullao, district director ng EPD, ikinasa ng DDEU ang nasabing operasyon nang makatanggap ng impormasyon mula sa isang confidential agent na muling nagbebenta ang suspek ng ipinagbabawal na droga.
Ayon sa imbestigasyon, dati nang nadakip ang suspek noong Agosto 10, 2022 sa kahalintulad na kaso, kung saan tinatayang 55 gramo ng shabu ang nakumpiska ngunit ito ay napawalang-sala.
“Tututukan natin itong partikular na kaso na ito at titiyakin natin na sa pagkakataong ito ay hindi na makakalaya itong suspek na ito… upang mabigyan ng hustisya ang kawawang mga naging biktima ng mga ito,” pahayag ni Tuliao.
Pansamantalang nakakulong ang dalawang suspek sa Pasig City Custodial Facility habang inihahanda ang isasampang kasong paglabag sa Republic Act 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (NEP CASTILLO)
28