Ni JOEL O. AMONGO
Hindi nakalusot sa mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) Port of Manila (POM) ang isang 40-footer container na naglalaman ng mga smuggled na sigarilyo na tinatayang may halagang 20.3 milyong piso.
Ang nasabing shipment na nagmula sa China ay naka-consigned sa Micastar Consumer Goods Trading subalit ito ay ‘misdeclared’ dahil nang dumating ito sa sa BOC-POM ay deklarado ito bilang mga paper products.
Nang pigilan ng Office of the District Collector ang shipment para sa eksaminasyon, tumambad sa mga otoridad ang sandamakmak na mga sigarilyo.
Nauna rito, isinailalim na ng Customs Intelligence and Investigation Service ang naturang shipment sa isang alert order kung kaya nagsagawa ng 100% physical examination ang BOC sa naturang kargamento.
Sa isinagawang eksaminasyon, lumalabas ang Fortune brand cigarettes na taliwas sa deklarasyon na nakalagay sa entry na nilagdaan ng consignee.
Kaugnay nito, agad na nag-isyu si POM District Collector Michael Angelo Vargas ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment para sa paglabag sa Section 1400 “Misdeclaration, Misclassification, and
Undervaluation in Goods Declaration” na may kaugnayan sa Section 1113 “Property Subject Seizure and Forfeiture” ng Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Sa pahayag ni District Collector Vargas sinabi niya ang pagkumpiska ng produkto ay bunga ng pinahusay na koordinasyon sa pagitan ng magkakaibang opisina ng Bureau, na kinabibilangan ng Port of Manila, Customs Intelligence and Investigation Services, X-ray Inspection Project, at Enforcement and Security Service (POM, CIIS, XIP, and ESS).
Ang BOC Port of Manila ay walang tigil na nagbabantay sa mga paglabag sa ilegal na kalakal at lahat ng uri ng smuggling. Nananatili rin sila sa matatag na seguridad sa hangganan ng bansa bilang pagsunod sa mahigpit na mandato ni Commissioner Rey Leonardo Guerrero.
