P20 BIGAS PROGRAM INILUNSAD NG DOLE, DA SA TONDO

INILUNSAD ng Department of Agriculture (DA) at Department of Labor and Employment (DOLE) ang P20 Bigas Program sa Tondo, Maynila nitong Biyernes.

Ang P20 bigas o “Benteng Bigas, Meron Na!” program ng kasalukuyang administrasyon ay layong mabigyan ng P20 kada kilong bigas ang minimum wage earners para mapagaan ang kanilang gastusin.

Sinabi ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., katuparan ito ng pangakong kampanya ng Pangulo para sa mahihirap.

Ayon naman kay Labor Secretary Bienvenido Laguesma, ito ay malaking tulong sa pang-araw-araw na budget ng mga manggagawa.

Paliwanag ni Laguesma, malaki ang matitipid ng isang minimum wage earner sakaling makabili ng hanggang 10 kilo ng bigas sa presyong bente pesos kada kilo.

Aniya, may matitipid na P100 hanggang P200 na maaaring magamit o maipangtustos naman sa iba pang pangangailangan o bilihin.

Mula sa 500 kumpanya sa buong bansa, mahigit 120,000 minimum wage earners ang makikinabang sa programa, ayon sa DOLE.

Target naman na maabot ng programa ang 14 milyong Pilipino sa pilot run nito hanggang Disyembre kabilang ang solo parents, senior citizens, PWDs at indigents.

Galing ang bigas sa buffer stock ng National Food Authority na binili mula sa lokal na mga magsasaka.

Inatasan naman ng gobyerno ang DA na palawakin ang programa hanggang sa 2028.

(JOCELYN DOMENDEN)

23

Related posts

Leave a Comment