P200 DAILY WAGE HIKE BILL LUMUSOT NA SA KAMARA

PINAGTIBAY na kahapon sa committee level sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang unang legislative wage increase sa lahat ng manggagawa sa buong bansa, matapos ang mahigit tatlo’t kalahating dekada.

Nangailangan lamang ng ilang minuto ang House committee on labor na pinamumunuan ni Rizal 4th District Rep. Juan Fidel Felipe Nograles sa pag-apruba sa Committee Report 514 o “An act providing for a P200 daily across the board increase in the salary rate of employees/workers in the private sector”.

Idinaan sa botohan ang pag-apruba sa nasabing panukala kung saan idineklara ni Nograles na “overwhelming” ang desisyon ng mga miyembro ng komite na aprubahan ang panukalang batas.

Tatlong panukalang batas ang dininig ng komite kung saan ang isa ay P100 ang iminungkahing umento sa lahat ng manggagawa sa buong bansa; P150 ang pangalawa at P750 ang pangatlo na inihain ng Makabayan bloc.

Gayunpaman, nagkasundo ang mga miyembro ng komite na gawing P200 ang dagdag sa arawang sahod ng mga manggagawa sa buong bansa na mas malaki sa P100 na unang pinagtibay ng Mataas na Kapulungan o ng Senado.

Unang nagkaroon ng legislative wage increase noong 1989 kung saan itinaas sa P25 ang sahod ng lahat ng manggagawa sa buong bansa.

Umapela naman si Akbayan party-list Rep. Perci Cendaña sa Malacanang na sertipikahan bilang urgent bill ang nasabing panukala upang hindi na ito dumaan sa regular na proseso lalo na’t isang linggo na lamang ang natitira sa sesyon ng Kongreso.

“We call on our President to show decisive leadership and certify the bill as urgent,” ani Cendaña dahil kung hindi ay mababalewala ang inaprubahang panukala dahil sa kakulangan ng panahon.

“Filipinos’ perception of Congress, sadly, is very negative. Our people feel it is prone to grandstanding and is a talkshop. Patunayan natin na hindi puro talumpati ang ginagawa ng kongreso, na kaya nating magbigay ginhawa sa pang araw-araw na buhay ng mga Pilipino. Ipasa natin ang 200 pesos wage hike immediately,” ayon sa mambabatas. (BERNARD TAGUINOD)

9

Related posts

Leave a Comment