P20K ang bentahan COVID VACCINES KALAT NA SA BLACK MARKET

(BERNARD TAGUINOD)

IBINIBENTA sa halagang P20,000 ang Sinopharm vaccines sa black market partikular na sa mga Filipino community sa Binondo, Manila.

Ito ang nakarating umanong report kay House committee on dangerous drug chairman Robert Ace Barbers hinggil sa COVID-19 vaccines na ilegal na ipinasok sa bansa.

“Reports said the Sinopharm anti-covid vaccines were being sold in the black market for nearly US$400 or about P20,000, particularly to the Filipino-Chinese community in Binondo,” ani Barbers.

Ang bentahan ng mga legal na bakuna lalo na ang mga ginagamit ngayon sa iba’t ibang bansa ay naglalaro sa P2,000 hanggang P4,000 para sa dalawang dosage.

Dahil dito, kailangang matukoy umano ang smugglers ng COVID-19 vaccines at maging ang kasabwat ng mga ito sa Bureau of Customs (BOC) dahil posibleng kumita ang mga ito ng limpak-limpak na salapi.

Bukod sa Chinese-Filipino Community sa Binondo at 300 Presidential Security Group (PSG) ay nabakunahan na umano ng Sinopharm ang may 100,000 Chinese nationals na nagtatrabaho sa Philippine Offshore Gaming Operator (POGO).

“Ang malamang na nangyari ay ‘nag-donate’ o nagbigay umano ng libre ang smuggler ng Sinopharm vaccines para gamitin ng mga PSG member at iba pang opisyal ng pamahalaan,” ani Barbers.

“Ang hindi natin alam ay kung gaano karaming vaccine ang ipinasobra at ipinasok ng smuggler sa bansa na ngayon ay ibinebenta sa black market ng P20,000 bawat inoculation,” dagdag pa ng mambabatas.

Hindi kinondena ni Barbers ang PSG sa pagtanggap ng smuggled vaccines para proteksyunan ang pangulo ng bansa subalit kailangang matukoy umano kung sino ang mga smuggler na ito at maging ang kanilang kasabwat sa PSG.

Dahil dito, hiniling ng mambabatas na ituloy ang imbestigasyon upang malaman kung sino ang mga nasa likod ng smuggling activities na ito, ilang bakuna ang ilegal na ipinasok sa bansa o kung nagbayad ang mga ito ng tamang buwis.

117

Related posts

Leave a Comment