P25.8-M HALAGA NG MARIJUANA WINASAK SA KALINGA

TINATAYANG aabot sa P25.8 milyong halaga ng marijuana ang winasak ng Philippine National Police (PNP) sa dalawang araw na anti-narcotics operation sa Tinglayan, probinsya ng Kalinga.

Ayon kay PNP Chief, Police General Guillermo Lorenzo T. Eleazar, base sa ulat na kanyang natanggap, may 137,000 piraso ng fully grown marijuana plants na nagkakahalaga ng P25.8 milyon ang nadiskubre sa limang lugar sa bulubunduking bahagi ng Sitio Ballay sa Tulgao. Sinunog na ang mga ito ng mga kinauukulan.

Ang operating team na binubuo ng mga tauhan mula sa PNP Drug Enforcement Group, PDEA at iba pang opisina at yunit ng kapulisan ay sinira ang mga pananim na marijuana noong Hunyo 11 at 12. Wala namang naaresto sa nasabing operasyon.

Pinuri ni PGen. Eleazar ang mga tauhan ng PDEG, PDEA at iba pang yunit ng kapulisan sa matagumpay na pagkakadiskubre at pagwasak sa mga halamang marijuana.

Sa kasalukuyang buwan lang, may kabuuang P45.915 milyong halaga ng marijuana ang nadiskubre at sinunog sa magkakahiwalay na operasyon sa probinsya ng Benguet. (JESSE KABEL)

179

Related posts

Leave a Comment