TINATAYANG aabot sa P26 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam ng mga tauhan ng NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) matapos na madiskubre ang isang abandonadong parcel sa Pair Pags Center, NAIA Complex, Pasay City.
Sa inisyal na report ng IADITG, nadiskubre ang abandonadong parcel na naglalaman ng ilegal na droga bandang alas-2:00 ng hapon noong Miyerkoles.
Ang NAIA-IADITG ay binubuo ng mga ahensya na pinangunahan ng PDEA RO-NCR; Bureau of Customs – Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (BOC-CAIDTF); PNP Aviation Security Group (AVSEG); Airport Police Department (APD); PNP Drug Enforcement Group (DEG); National Bureau of Investigation (NBI); at Bureau of Immigration (BI)
Ayon sa mga operatiba ng IADITG, ang naturang inbound parcel na idineklarang hotdog roller machine ay may airway bill number 167-1000 4326, na ipinadala ng isang Mwangonde ng 126 Hannover Street, Blantyre, Malawi, na naka-consign sa isang nagngangalang Ronnie Delo Santos Gomes ng H 176 1607 Suarez Alley, Dr. Sixto Antonio Avenue, Pasig, Metro Manila.
Nakapaloob sa hotdog roller machine na may tatak na ANUIL, ang apat na heat-sealed transparent plastic bags na nakabalot ng aluminum foil na naglalaman ng 3,962 gramo o halos apat na kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P26,941,600.
Ang mga nakumpiskang ebidensya ay dinala sa PDEA Laboratory Service upang isailalim sa laboratory examination.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Section 4, Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 ang mga napatunayang sangkot sa nadiskubreng ilegal na droga.
(JESSE RUIZ)
74 