MAHIGIT P29.712-M SHABU, ECSTASY NASABAT NG BOC

MATAGUMPAY na nasabat ng Bureau of Customs – Ninoy Aquino International Airport (BOC-NAIA), ang tatlong inabandonang inbound parcels na naglalaman ng hinihinalang ilegal na droga na tinatayang nagkakahalaga ng P29.712 milyon sa isinagawang interdiction operation noong Marso 2, 2026.

Isinagawa ang operasyon sa mahigpit na koordinasyon ng NAIA–Inter-Agency Drug Interdiction Task Group/Airport Intelligence Unit 2 (NAIA-IADITG/AIU 2), Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Regional Office NCR, Philippine National Police Aviation Security Group at Drug Enforcement Group, Airport Police Department, National Bureau of Investigation (NBI), Bureau of Immigration (BI), at BOC–Customs Anti-Illegal Drugs Task Force (CAIDTF).

Natuklasan at nakumpiska sa operasyon ang humigit-kumulang 3,596 gramo ng puting kristal na substansiyang hinihinalang methamphetamine hydrochloride o shabu, na tinatayang P24,452,800.00 ang halaga.

Nakumpiska rin ang humigit-kumulang 4,046 gramo ng puting pulbos na substansiyang hinihinalang MDMA o ecstasy, na tinatayang P5,259,800.00 ang halaga.

Dalawa sa mga nasabat na parsela, parehong idineklarang “Garden Sculpture,” ay mula sa Berlin, Germany at nakatakdang ipadala sa isang consignee sa Pasig City.

Sa pagsusuri, natuklasan ang mga gintong pigurin na naglalaman ng heat-sealed transparent plastic bags ng hinihinalang ecstasy na may timbang na 2,032 gramo at 2,014 gramo.

Ang ikatlong parsela, idineklarang “Vehicle Air Filters,” ay mula sa Lusaka, Zambia at nakatakdang ipadala sa Dasmariñas, Cavite. Sa inspeksiyon, natuklasan ang apat na cylindrical air filters na nakabalot sa carbon paper at masking tape na naglalaman ng humigit-kumulang 3,596 gramo ng hinihinalang shabu.

Isusumite ang mga nakumpiskang substansiya sa PDEA Laboratory Service para sa pagsusuring kwalitatibo at kwantitatibo, at para sa karagdagang imbestigasyon kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002 at Republic Act No. 10863 o Customs Modernization and Tariff Act.

Pinuri ni Customs Commissioner Ariel F. Nepomuceno ang BOC–NAIA personnel sa kanilang pagiging alerto at mabilis na aksyon. Aniya, ang matagumpay na pagkakasabat ng ilegal na droga ay patunay ng matibay na paninindigan ng ahensya laban sa smuggling.

Binigyang-diin niya na ang operasyon ay resulta ng masinsinang koordinasyon ng mga ahensya, tamang pagbabahagi ng impormasyon, at masusing inspeksiyon, na muling nagpapatibay sa pangako ng BOC na protektahan ang mga hangganan ng bansa at panagutin ang sinomang magtatangkang magpuslit ng ipinagbabawal na substansiya.

Sa pamumuno ni District Collector Atty. Yasmin O. Mapa, nananatiling matatag ang BOC–NAIA sa kanilang misyon na pigilan ang pagpasok ng ilegal na droga at iba pang kontrabando, habang patuloy na pinalalakas ang pakikipagtulungan sa iba pang ahensiyang nagpapatupad ng batas upang mapangalagaan ang sambayanang Pilipino laban sa panganib ng ipinagbabawal na droga.

(JESSE RUIZ)

99

Related posts

Leave a Comment