CAVITE – Tinatayang mahigit P3.5 milyong halaga ng shabu ang nasamsam at naaresto ang isang 30-anyos na lalaki sa isinagawang buy-bust operation sa Bacoor City noong Biyernes ng hapon.
Sa nasabing buy-bust operation ay naaresto si Jaymar Vinluan, ng Block 5, Lot 21, Molave St., Camella Civil Subdivision, Brgy. Salinas 2, Bacoor City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Christian Nel Cuevas ng Bacoor City, dakong alas-2:20 ng hapon, nagsagawa ng buy-bust operation ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Bacoor CPS at PDEA 4A sa Brgy. Habay 2 ng naturang lungsod na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.
Nasamsam sa naturang operasyon ang tinatayang 520 gramo ng hinihinalang shabu na P3,536,000 ang street value, na nakalagay sa isang itim na bag, isang weighing scale, isang cellphone, isang notebook kung saan nakalista ang mga ilegal na transaksiyon, at buy-bust money. (SIGFRED ADSUARA)
