CAVITE – Tinatayang mahigit sa P3 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasamsam sa arestadong dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang buy-bust operation sa parking lot ng isang kilalang mall sa Bacoor City nitong Linggo ng madaling araw.
Kinilala ang mga naaresto na sina Joery Villafañe y Sanchez, 37, ng Pasong Camachile, General Trias City, at Ignito Mejares y Meraña, 42, ng #164 Propietarios St., Pasay City.
Ayon sa ulat ng Bacoor City Police, alas-3:15 ng hapon nang nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang puwersa ng PDEA PRO-3, Bulacan PPO, Cavite PPO, PDEA 4A RSET, at Bacoor CPS kung saan target ang dalawang suspek na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga ito sa parking lot ng isang mall sa Daang Hari, Molino IV, Bacoor City at nakumpiska ang 500 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P3.4 milyon.
Samantala sa Imus City, Cavite, ikinasa naman ang buy-bust operation ng mga operatiba ng Drug Enforcement Unit ng Imus CPS sa Brgy. Malagasang 1D, Imus City na nagresulta sa pagkakadakip sa isa pang umano’y tulak na kinilalang si Rasul Abedin y Demasar, 31, ng Blk. 50, Lot 20, Brgy. Malagasang 1D, Imus City, at nakumpimpiskahan ng 11 gramo ng umano’y shabu na tinatayang P99,000 ang halaga. (SIGFRED ADSUARA)
