P3 TAAS-PASAHE IGINARAHE

PANSAMANTALANG nakabinbin ang petisyon ng transport groups kaugnay sa kanilang kahilingan na taasan ng P3 ang minimum na pasahe sa mga jeepney.

Ayon kay Obet Martin, pangulo ng Pasang Masda, isa sa mga grupong naghain ng naturang petisyon, mananatili ang kanilang hiling na taas-pasahe hangga’t hindi ibinibigay ng pamahalaan ang ipinangako nitong fuel subsidy sa mga tsuper ng mga pampublikong sasakyan.

“Sa petisyon ay nakaparada lang muna, hindi muna namin puwedeng iatras ‘yan, hindi muna puwedeng galawin,” ani Martin sa isang panayam.

Matatandaang noong nakaraang buwan ay hiniling ng mga transport group na itaas sa P12 ang minimum na pasahe sa mga jeepney bunsod ng sunod-sunod na pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Nagpasya naman ang pamahalaan na sa halip na taas-pasahe ay bigyan na lamang ng fuel subsidy ang mga driver upang makabawas sa kanilang pasanin.

Kaugnay nito ay humirit din ang grupo ng mga taxi operator na isali sila sa dagdag-kapasidad ng mga pasahero at maging sa fuel subsidy dahil sila man ay nagdurusa rin sa linggu-linggong pagtaas ng presyo ng petrolyo.

Kamakailan ay pinayagan ng pamahalaan na itaas ang passenger capacity ng mga pampublikong sasakyan sa Metro Manila at ilang karatig-lalawigan sa 70% mula sa 50%, na magsisimula ngayong araw.

Ayon kay Philippine National Taxi Operators Association President Bong Suntay, karamihan sa kanilang mga taxi ay gumagamit ng gasoline o liquefied petroleum gas (LPG) na parehong tumaas rin nang husto ang mga presyo.

“Nagsa-suffer din ang ating mga kasamahan sa industriya ng taxi,” dagdag pa nito.

Sa kasalukuyan ay wala pa namang tugon ang Department of Transportation (DOTr) kung isasali sa fuel subsidy ang taxi drivers gayundin ang mga tsuper ng tricycle, UV Express at delivery riders. (LILY REYES)

172

Related posts

Leave a Comment