P30.2-B ‘PORK’ NG CONGRESSMEN GAMITIN SA AYUDA

DAPAT pangunahan ni House Speaker Alan Peter Cayetano ang pagpasa ng tig-P100 milyong ‘pork barrel’ ng bawat kongresista sa mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang batayang sektor ng bansa ngayong panahong gipit na gipit ang mga ito habang patuloy pa ring nambibiktima ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Ito ang posisyon ni Wilson Fortaleza, tagapagsalita ng Partido Manggagawa (PM), hinggil sa pork barrel.

Kung pagsasamahing lahat, tumataginting na P30.2 bilyon ang pork barrel ng mga kongresista.

Ang nasabing P100 milyong pork barrel sa bawat kongresista ay nakasingit sa P4.1 trilyong badyet ng pambansang pamahalaan ngayong 2020.

Isiniwalat ito ni Senador Panfilo “Ping” Lacson noong binubusisi sa Senado ang ipinasang General Appropriations Act for 2020 ng mababang kapulungan at nadiskubre niyang may P100 milyong pork barrel ang bawat isa sa 302 kongresista, kabilang na ang mga makakaliwang mambabatas.

Tahasang itinanggi noon ni Cayetano ang isiniwalat ni Lacson.

Masyadong mainit na isyu ang pork barrel, sapagkat pangunahing pinagkukunan umano ito ng karagdagang yaman ng mga kongresista.

Ngunit, kahit alam ng publiko na malaking bulto ng pork barrel ay napupunta sa mga bank account ng mga kongresista, taun-taon mayroong natutukoy na pork barrel sa mungkahing badyet ng pambansang pamahalaan.

Ang badyet na binansagang pork barrel ay ginagamit sa mga proyekto ng mga kongresista sa kani-kanilang mga nasasakupan.

Naniniwala si Fortaleza na ngayong gipit na gipit ang buhay ng mga manggagawa, magsasaka, mangingisda at iba pang sektor na ‘nakatira’ sa daigdig ng mahihirap ay kailangang bigyan ng ayudang pinansiyal ng pamahalaan.

Tuwing tatanungin ng manunulat na ito si Fortaleza hinggil sa ayudang pinansiyal ng Department of Labor and Employment (DOLE) sa mga opisyal at kasapi ng PM ay palaging sagot ng naturang beteranong lider-manggagawa ay napakakaunti pa lamang ng bilang ng mga manggagawang nabibigyan ng P5,000 ng DOLE.

Ganoon din ang sagot nina Atty. Jose Sonny Matula, tagapangulo ng NAGKAISA Labor Coaliton at pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), at Allan Tanjusay, tagapagsalita ng Associated of Labor Unions-Trade Union Congress of the Philippines (ALU-TUCP).

Siyam na milyon ang overseas Filipino workers (OFWs) ang nawalan ng trabaho o mapagkakakitaan ngayong mayroong COVID- 19 ngunit 250,000 na OFWs lang ang bibigyan ng tig-P10,000 bawat isa mula sa proyektong AKAP ng DOLE, ayon sa AKO OFW Inc. NELSON S. BADILLA

156

Related posts

Leave a Comment