TIMBOG sa operasyon kontra droga ng Bureau of Customs (BOC) at Philippine Drug
Enforcement Agency (PDEA), ang isang bagaheng naglalaman ng 2,437 tabletas ng party drugs sa Central Mail Exchange Center (CMEC) at DHL warehouse sa lungsod ng Pasay.
Nasabat ang drogang nagkakahalaga ng P4.12 milyon makaraang masipat ang laman ng dalawang sobre at isang bagaheng idinaan sa makabagong x-ray facility of BOC sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).
Batay sa dokumentong isinumite sa tanggapan ng Port of NAIA, lumalabas na pawang deklaradong liham at “switch panels” ang nasabing epektos na nagmula pa sa bansang Netherlands at Germany.
Gayunpaman, hindi na tinukoy ng kawanihan ang pagkakakilanlan ng mga consignees na anila’y may address sa Quezon City, Bulacan at Las Piñas City.
Agad namang inilipat ang kustodiya ng mga nasabat na party drugs sa PDEA para sa pagdakip at pagsasampa ng kasong paglabag sa Republic Act 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act) laban sa mga consignees ng inangkat na droga.
Sa isang pahayag, muling binalaan ng kawanihan ang iba pang magtatangkang magpuslit ng iligal na droga sa bansa. Anila, Malabo nang makalusot sa kanilang mas pinahigpit na pagbabantay gamit ang mga makabagong kagamitan ang mga iligal na kargamentong kanila anilang nasisipat ng hindi na kailangan pang buksan ang mga kargamento.
Sa tala ng BOC-Port of NAIA, 161 kargamentong naglalaman ng mga ipinagbabawal na gamot ang kanilang nasabat sa huling apat na taon – 30 noong 2018, 31 naman para sa taong 2019, 43 nitong nakaraang taon at 57 naman para sa kasalukuyang taon.
236
