KWESTYONABLE umano ang mahigit ₱4.35 bilyong halaga ng flood control projects sa unang distrito ng Davao City na kinakatawan ni Rep. Paolo “Polong” Duterte, ayon kay ACT Teachers Party-list at Deputy Minority Leader Antonio Tinio.
Sa press conference kahapon sa Kamara, sinabi ni Tinio na base sa mga dokumentong nakuha mula sa Department of Public Works and Highways (DPWH) at iba pang budget records, mula sa 121 flood control contracts na nagkakahalaga ng ₱6.6 bilyon (2019–2022), 87 kontrata rito na nagkakahalaga ng ₱4.35 bilyon ang may mga iregularidad.
“Our analysis reveals a pattern of irregularities that demands explanation and accountability. There are indicators that point to ghost projects, double funding, location changes, gross overpricing, and contracts awarded without clear specifications,” ayon kay Tinio.
Ayon sa mambabatas, ang naturang ₱4.35 bilyon ay galing umano sa congressional insertions o mga proyektong wala sa National Expenditure Program (NEP).
Kabilang sa mga may red flags ang ₱135.14 milyon flood control project sa Davao River section na pinondohan noong 2019, ngunit inuulit sa parehong lugar noong 2020. Mayroon ding dalawang kontrata na parehong proyekto — revetment sa Davao River at Davao River Bridge upstream section — na nagkakahalaga ng ₱115.09 milyon at inaward sa magkaibang kontraktor, na posibleng double funding.
Mayroon ding siyam na kontrata na nagkakahalaga ng ₱484.04 milyon na ipinatupad sa ibang lugar, taliwas sa nakasaad sa General Appropriations Act (GAA).
“One GAA item allocated ₱30 million for 375 meters of revetment, but the actual contract covered only 120 meters—a shortfall of 255 meters while charging ₱161,250 per meter instead of ₱80,000,” dagdag ni Tinio.
Pinuna rin ng kongresista ang 62 kontrata na may kabuuang ₱3.44 bilyon, ngunit walang record kung saan ipinatupad, habang ₱622.57 milyon naman para sa 10 proyekto ang naipatupad kahit wala sa national budget.
“Along the Davao River alone, 61 out of 68 implemented projects worth ₱2.96 billion are red-flagged. For the Matina River, 26 out of 28 projects worth ₱1.7 billion exhibit irregularities,” sabi ni Tinio.
Kabilang sa mga kumpanyang nakakuha ng mga proyektong may red flag ay: Rely Construction & Supply Inc. – 5 kontrata, ₱400.85M; Legacy Construction Corp. – 7 kontrata, ₱350.99M; Abu Construction – 8 kontrata, ₱312.30M; St. Timothy Construction – ₱96.49M; at Alpha and Omega Construction – ₱90.48M.
Ayon kay Tinio, kilala umanong konektado sa mga Discaya ang ilang kumpanyang ito, habang ang Alfrego Builders — na pag-aari umano ng half-brother ni Sen. Bong Go na si Alfredo Go — ay may joint venture projects sa Rely Construction na may halagang ₱96.49M.
Kasama rin sa listahan ang GENESIS88, pag-aari umano ni Glenn Escandor, na sinasabing nag-donate sa campaign funds ni VP Sara Duterte, at nakakuha ng proyekto na ₱29.4M.
Dahil dito, nanawagan si Tinio na imbestigahan agad ng Kongreso ang mga naturang proyekto. Maghahain umano siya ng resolusyon upang himukin ang Commission on Audit (COA), Independent Commission for Infrastructure (ICI), at Office of the Ombudsman na magsagawa ng malalim na pagsisiyasat.
(BERNARD TAGUINOD)
56
