P420-B ‘Bayanihan Act 3’ ni Velasco PANGAKONG WALANG LAMAN

HINDI pa man ipinapasa ng Kamara de Representantes ang mungkahing Bayanihan to Rise as One, Bayanihan Act 3, ay binatikos na ito ni Senadora Mary Grace Poe.

Tinumbok ni Poe na isang “empty promise” ang panukalang ikatlong batas-bayanihan dahil malaking kuwestyon kung saan kukunin ang P420 bilyon na ipalalabas ng Kongreso kay Pangulong Rodrigo Duterte.

Ang kritisismo ni Poe sa panukalang Bayanihan Act 3 ay reaksiyon niya sa pinakawalang pahayag ng tanggapan ni Speaker Lord Allan Jay Velasco na tatrabahuhin ng Kamara de Representantes ang nasabing panukala.

Ayon sa kampo ni Velasco, 162 kongresista ang solidong susuporta sa House Bill No. 8628 na ang may akda ay si Marikina city Representative Stella Quimbo.

“I would like to know where we will be able to source the funding for that because even in Bayanihan 2, a portion of the appropriation is under unprogrammed funds. How are we going to source it, where are we going to spend it? We have to know the real score so that we will not make empty promises to the people,” bigwas ni Poe.

Idiniin niya, bago magpasa ang mga kongresista ng tinaguriang “stimulus law” tulad ng panukalang batas-bayanihan ay busisiin munang mabuti ang Bayanihan to Recover as One Act, o Bayanihan 2, upang malaman ang eksakto at totoong kalagayan ng P165.5 bilyong inilaan dito.

Sa halip na noong Disyembre 19, 2020, sa Hunyo 30 matatapos ang implementasyon ng Bayanihan 2 makaraang lagdaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang batas na nagpalawig sa implementasyon nito.

Inamin ng tagapagsalita ni Duterte na P41.25 bilyon pa ang balanse sa P165.5 bilyong budget ng Bayanihan 2.

Idiniin ni Poe na mahalagang matukoy ang eksaktong pagkukunan ng P420 bilyon sa panukalang Bayanihan Act 3 dahil P10 trilyon ang utang ng bansa sa mga lokal at dayuhang bangko at pampinansiyang institusyon.

Nakatakdang mangutang pa ng karagdagang P3 trilyon ngayong taon, patuloy ng senadora.

Tinuran din Poe na hindi naman puwedeng magpasa ng panibagong batas na magdaragdag ng buwis, o kita, ang alinmang ahensiya ng pamahalaan dahil sa nabistong kapalpakan sa implementasyon ng Motor Vehicle Inspection System (MVIS).

Tinuran ni Poe na pabor siya na umaksyon ang Kongreso para matulungan ang mamamayan, lalo na ang mga pinakamahihirap, dahil sa malaking perwisyong inihambalos ng COVID-19.

Ngunit, iginiit ni Poe na mahalaga na mayroong pagkukunan ng pondo para rito. (NELSON S. BADILLA)

186

Related posts

Leave a Comment