P448K DROGA NASABAT SA BUY BUST

CAVITE – Tinatayang kalahating milyong pisong halaga ng shabu ang nasamsam sa arestadong apat na hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa ikinasang magkahiwalay na buy-bust operation sa Dasmariñas City at Bacoor City noong Martes ng gabi.

Kinilala ang mga naaresto na sina Norjanah Almasin y Panabuan, nasa hustong gulang; Mark Anthony Delos Santos y Dangkalan, 37, at ang sinasabing maintainer ng drug den na si Ian Kenneth Daraman y Fernandez, 33, at Vincent Rivas, 20-anyos.

Ayon sa ulat, dakong alas-5:40 ng hapon nang nagsagawa ng buy-bust operation ang mga operatiba ng Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU), Cavite Police Provincial Office (PPO), at Dasmariñas City Police, sa Brgy. Salitran II, Dasmariñas City na nagresulta sa pagkakaaresto kay Almasin.

Nakumpiska kay Almasin ang tinatayang 50 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P345,000, at buy-bust money

Dakong alas-7:20 naman ng gabi, nagsagawa ng buy-bust operation ang Provincial Drug Enforcement Unit (PDEU) at Bacoor City Police (CPS), sa isang barong-barong na umano’y ginawang drug den sa Brgy. Molino IV, Bacoor City na nagresulta sa pagkakaaresto kina Delos santos, Daraman at Rivas.

Nakumpiska sa kanila ang tinatayang 15 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na P103,500, buy-bust money, at isang cellular phone.

Tinatayang P448,500 ang kabuuang halaga ng nakumpiskang ilegal na droga sa isinagawang dalawang buy-bust operation.

Kasong paglabag sa Art. II ng RA 9165 (Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002) ang ihaharap sa suspek.

(SIGFRED ADSUARA)

343

Related posts

Leave a Comment