P5.32-B DROGA WINASAK NG PDEA

WINASAK sa pamamagitan ng pagsunog ang tinatayang P5.32 bilyong halaga ng iba’t ibang uri ng ilegal na droga, kabilang ang shabu at marijuana, sa isang seremonya na isinagawa ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) sa Integrated Waste Management, Inc. (IWMI) sa Brgy. Aguado, Trece Martires City nitong Martes, Mayo 20.

Pinangunahan ni Dangerous Drugs Board (DDB) chairman, Secretary Oscar Valenzuela ang seremonya na sinaksihan ng mga opisyal mula sa PNP, DOJ, DILG, NGOs, at media.

Sinira ang kabuuang 2,227.75 kilo ng solid illegal drugs at 3,447 milliliters ng liquid na mga ilegal na droga sa pamamagitan ng thermal decomposition.

Kabilang sa mga sinira ang 738.20 kilo ng shabu at 1,478.49 kilo ng marijuana, na nakumpiska mula sa iba’t ibang operasyon ng PDEA at iba pang ahensya.

Ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani R. Nerez, layunin ng pagwasak na ito na alisin ang pagdududa ng publiko sa muling paggamit o pag-recycle ng nasabat na mga droga.

Ito ang kauna-unahang seremonya ng pagwasak na isinagawa mula nang umupo si Undersecretary Nerez bilang Director General ng PDEA, mahigit tatlong buwan na ang nakalipas.

“Ang transparency at accountability ang pangunahing adhikain ng PDEA sa ilalim ng programang ‘Bagong Pilipinas’ ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.,” dagdag ni Nerez.

(NILOU DEL CARMEN/SIGFRED ADSUARA)

44

Related posts

Leave a Comment