P5-M mula sa Kamara REWARD VS. PERCY LAPID KILLERS, P6.5-M NA

(BERNARD TAGUINOD)

UMAKYAT na sa P6.5 milyon ang pabuya para sa ikadarakip ng mga salarin sa pamamaslang sa broadcaster na si Percival Mabasa o mas kilala bilang Percy Lapid.
Ito ay makaraang maglaan ng limang milyong piso (P5 million) ang mababang kapulungan ng Kongreso sa sinomang makapagtuturo sa mga pumatay at nagpapatay sa broadcaster.

Inanunsyo ito ni House Speaker Martin Romualdez ilang oras matapos ihatid sa kanyang huling hantungan ang pinaslang na mamamahayag.
“We in the House view with concern the killing of Percy Mabasa. The perpetrators and the masterminds behind this dastardly act must be brought to justice at all costs,” ani Romualdez.

Dahil dito, nag-ambagan aniya ang mga miyembro ng Kamara at nakalikom ang mga ito ng P5 million na gagamiting pabuya para maaresto ang mga salarin at maging ang mastermind ng nasabing krimen.

“Violence has no place in a civilized society like ours,” dagdag pa ni Romualdez na umaasang makatutulong ang nasabing halaga upang madakip sa lalong madaling panahon ang mga salarin.

Sa ngayon ay may persons of interest na ang Philippine National Police (PNP) kaya umapela ang lider ng Kamara sa publiko na makipagtulungan sa mga otoridad para madakip ang mga ito sa lalong madaling panahon.

Hindi lamang aniya ang gunman at kasama nito na nagmaneho ng motor ang dapat madakip, makasuhan at maparusahan kundi ang mga nag-utos sa mga ito para paslangin si Mabasa.

“The role of journalists is very critical in ensuring transparency in government. Protecting them is very important in guaranteeing freedom of speech and freedom of expression. We in government, consider them as partners in nation-building,” dagdag pa ni Romualdez.

Nauna nang naglaan ng isang milyong piso si Atty. Alex Lopez laban sa mga salarin. Sinundan ito ng kalahating milyon (P.5M) na ipagkakaloob naman ni DILG Sec. Benhur Abalos.

Kahapon, kinumpirma ng National Capital Region Police Office (NCRPO) na itinaas na sa P6.5 milyon ang pabuya laban sa mga pumaslang kay Mabasa.
Nitong Linggo (Oct. 9) ay inihatid na sa kanyang huling hantungan ang mamamahayag.

Nasawi si Mabasa matapos tambangan ng riding-in-tandem sa Las Piñas City noong nakaraang Lunes ng gabi. (May dagdag na ulat si RONALD BULA)

177

Related posts

Leave a Comment