P50, P100 MO MAY MAPAPANOOD KA NA!

CCP-50

Affordable tickets sa CCP 50th Anniversary

Bilang pasasalamat ng Cultural Center of the Philippines sa publiko sa pagsuporta sa korporasyon, inahahandog nito ang pagbibigay ng mga murang tiket para sa gaganaping “Bulawan: CCP 50th Anniversary Concert.”

Sa halagang P50 at P100 ay makakapwesto na sa Balcony 1 at Balcony 2 para matunghayan ang naturang People’s Gala na gaganapin sa Setyembre 21, alas-8:00 ng gabi sa CCP Main Theater (Tanghalang Nicanor Abelardo).

Sa ticket rates na iyan, masasaksihan na ang West End na gagampanan ng theatre actress na si Joanna Ampil o makinig sa virtuoso music ng renowned pianist na si Raul Sunico.

Matutuwa rin ang mano­nood sa Ballet Philippines alumnus na si Candice Adea, kasama ang isa pang mananayaw mula sa West Australian Ballet na si Julio Blanes.

Asahan din ang operatic arias sa soprano na si Rachelle Gerodias, o makiindak sa contemporary artists na sina Poppert Bernadas, Gian Magdangal at Lara Maigue.

Samantala, matutunghayan din ang veteran actors na sina Celeste Legaspi, Nonie Buencamino, Shamaine Buencamino, Audie Gemora, at Monique Wilson sa pagbabahagi nila ng artistic talents sa mga serye ng pagtatanghal.

Magkakaroon din ng Cinemalaya segment bilang pagkilala sa anibersaryo ng CCP, ito ay sa pangunguna nina composer-director Jerrold Tarrog at editor na si Chuck Gutierrez.

Ang gala na ito ay idinirehe ng award-winning director na si Loy Arcenas. Magsasama-sama rito ang mga artista na naging bahagi ng CCP sa loob ng 50 taon, kabilang ang resident companies gaya ng Ballet Philippines, Philippine Ballet Theater, Philippine Philharmonic Orchestra, Tanghalang Pilipino, Bayanihan Philippine National Folk Dance Company, Ramon Obusan Folkloric Group, UST Symphony Orchestra, NAMCYA, at ng Philippine Madrigal Singers.

Ang creative team para sa CCP Gala ay kinabibilangan nina: Katsch Catoy para sa lighting design, GA Fallarme para sa video projections, Dennis Marasigan para sa script, Aji Manalo para sa sound engineering at Barbie Tan Tiongco para sa technical direction.

Pangungunahan din ito nina PPO principal conductor at musical director Maestro Yoshikazu Fukumura at resident conductor Herminigildo Ranera; habang si Mark Anthony Carpio ay siyang magiging musical consultant at choral conductor.

Ang Bulawan concert ay panimula ng year-long celebration para sa CCP’s golden anniversary. Asahan pa ang iba’t ibang activities at iba pang events, ito ay magaganap mula Setyembre 2019 hanggang Setyembre 2020, sa affordable prices at maaaring libre pa.

Para sa tickets, maaaring tumawag sa CCP Box Office sa 832-3704. Para sa iba pang katanungan, tumawag sa CCP Sales and Promotions Department sa 832-3706 o 832-3704 loc. 1803, o magsadya sa www.culturalcenter.gov.ph, sundan ito sa CCP official Facebook at Instagram accounts.

182

Related posts

Leave a Comment