(BERNARD TAGUINOD)
MAGIGING balon ng korupsyon ang Maharlika Investment Fund (MIF) kaya kating-kati umano si Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na mapirmahan na ito at masimulan na ang katiwalian.
Ito ang pahayag ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas kaya kahit labag sa saligang batas ang pagbuo sa nasabing panukala ay ipipilit pa rin ito ng Pangulo at mga kasabwat nito.
“Kating-kati ang Pangulo na pirmahan ang Maharlika Scam at hindi ito kagulat-gulat dahil magsisilbing higanteng balon ang Maharlika ng pondo para sa korupsyon,” ani Brosas.
Lalo aniyang nanganganib ang P500 billion pera ng bayan na nais ilagak sa MIF dahil nakasaad umano sa nasabing panukala na io-audit lamang ito kada limang taon.
Ang masama pa aniya rito, hindi ang sistema o patakaran ng Commission on Audit (COA) ang masusunod sa auditing kundi ang dikta ng external auditors kaya posibleng manganib ang pera ng bayan.
“This bill is riddled with constitutional infirmities and should be junked altogether,” ayon naman kay Bayan Muna chairman at dating Congressman Neri Colmenares.
Sa kabila nito ay pilit itong isusubo sa mga Pilipino.
Lalong nagdududa ang dating mambabatas sa nasabing panukala dahil kating-kati aniya ang Pangulo na pirmahan ito kahit maraming batas ang nilabag sa pagpapatibay rito.
Unang kinuwestiyon ng grupo ni Colmenares sa Korte Suprema ang pagtatakda ni Marcos bilang urgent bill sa nasabing panukala na naging dahilan para ma-short cut ang pagpapatibay rito.
“The bill, which pools 500 billion pesos of public funds, has been subject to a number of legislative shortcuts, including the use of “legislation by viber” which is not provided for in the Constitution,” ani Colmenares.
Posible umanong itaon ni Marcos Jr. ang pagpirma sa MIF sa kaawaran ng inang si Imelda sa darating na Hulyo 2.
390
