KUMPISKADO sa kabi-kabilang operasyon kontra smuggling ng Bureau of Customs (BOC) ang hindi bababa sa P55-milyong halaga ng mga smuggled na sigarilyo sa Zamboanga City at Subic kamakailan.
Unang nahagip ang nasa P8.6-milyong halaga ng iba’t ibang klase ng sigarilyong pinaniniwalaang bahagi ng mas malaking kontrabandong ipinuslit sa katimugang bahagi ng bansa.
Sa kalatas ng kawanihan, timbog sa pinagsanib na operasyon ng BOC-Port of Zamboanga, Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA), Philippine National Police 2nd Zamboanga City Mobile Force Company, Philippine Coast Guard Station Zamboanga, Philippine Navy at Regional Special Operations Unit-9 ang 276 master cases at 327 reams ng smuggled yosi sa sa iba’t ibang bahagi ng Zamboanga City.
Ayon sa BOC, nahagip sa tatlong inilatag na checkpoints at dalawang pagtugis sa karagatan ang mga kontrabandong pinaniniwalaang ipinuslit mula sa mga karatig bansa sa Asya.
Wala naman nakuhang droga sa mga kumpiskadong kalakal, batay sa pagsusuri ng PDEA.
Pagtitiyak ni Port District Collector Segundo Sigmundfreud Barte Jr., mas paiigtingin pa ng kanyang tanggapan ang mahigpit na pagbabantay sa nasasakupang distrito bilang tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Customs Commissioner Yogi Filemon Ruiz na kilala bilang isang mahusay na operatiba bago pa man naluklok a pwesto nitong nakaraang Hulyo.
Bukod sa kontrabando, inimbargo rin ng kawanihan ang mga sasakyang ginamit sa pagbiyahe ng mga smuggled na sigarilyo.
Nahaharap naman sa kasong paglabag ng Republic Act 10863 (Customs Modernization and Tariff Act of 2016) at Tobacco Exportation and Importation Rules and Regulations ang may-ari ng mga kumpiskadong sigarilyo.
Sumunod namang natimbog ng Port of Subic ang P46.28 milyong halaga ng sigarilyong puslit mula sa bansang Singapore.
Ayon sa BOC-Subic, isang timbre ng impormante ang nagbigay-daan para mabulilyaso ang 1,122 master cases ng Marvel Filter Cigarettes na laman ng isang dambuhalang container na lumapag sa naturang puerto.
Batay sa dokumentong kalakip ng naturang kargamento, idineklara ng Proline Logistics Philippines Inc. na tela ang laman ng container van kung saan nabisto ang mga imported na sigarilyo.
Sa pagpapatuloy ng imbestigasyon, lumalabas din na hindi rehistrado ang naturang kumpanya sa Bureau of Internal Revenue (BIR) at maging sa Subic Bay Metropolitan Authority (SBMA)
na siyang may saklaw sa mga lehitimong business locators.
