NAG-ISYU ang pamahalaang lungsod ng Navotas ng tatlong ordinansa na magpapatupad ng mas mahigpit na mga hakbang upang makatulong na mapigilan ang paglobo ng mga kaso ng COVID-19.
Nakasaad sa City Ordinance No. 2021-19 ang pagpapataw ng multang P5,000 sa mga lalabag sa 10 pm–5 am curfew hours, sa obligasyong magsuot ng face mask at 24-hour curfew para sa mga menor-de-edad, at hindi makapagpapakita ng valid government identification cards.
Ipinasa ang ordinansa bunsod ng mga report na may mga lapastangang nagbibigay ng pekeng impormasyon sa barangay enforcers kaya’t hindi sila maitala para sumailalim sa libreng mandatory COVID-19 swab test na iniutos ng pamahalaang lungsod bilang parusa sa mga lalabag sa safety protocols.
Samantala, ang City Ordinance No. 2021-20 naman ay nagmamandong maglagay ng transparent plastic o acetate barrier para sa driver at sa pagitan ng mga upuan ng jeep. Nararapat na panatilihing maayos ang barriers at kapag nasira ay dapat na palitan.
Hanggang kalahati rin lang ng kapasidad ng pasahero sa jeep ang pwedeng punuin. Ang mga susuway ay pagmumultahin ng P500 sa unang paglabag, P750 sa ikalawa, at P1,000 sa pangatlo at susunod pang ‘di pagtalima. Sakop ng ordinansa ang operators at drivers ng jeep na bumibyahe sa lungsod.
Inamyendahan naman ng City Ordinance No.2021-21 ang Section 6 ng City Ordinance No. 2020-40 o ang “Wear Your Face Shield Ordinance of Navotas City” at nakasaad dito na ang mahuhuling walang suot na face shield habang nasa pampublikong transportasyon, nasa lugar ng trabaho, palengke at iba pang enclosed na pampublikong lugar o establisimyento sa lungsod, ay papatawan ng kaukulang parusa.
Isasailalim sa mandatory RT-PCR test na iiskedyul sa loob ng isang linggo mula sa oras ng pagkakahuli at sa pasya ng City Health Office, ang lalabag sa unang pagkakataon.
Sa ikalawang paglabag ay pagbabayarin na ang pasaway ng P500 o 16 oras na community service sa ilalim ng pangangasiwa ng anumang tanggapan ng gobyerno ng lungsod kung mahuli sa loob ng 14 na araw mula sa kanilang unang paglabag. Kung lumipas ang 14 na araw, isasalang uli sila sa free mandatory swab testing.
Kung hindi available ang RT-PCR test, ay P500 multa o 16 oras na community service ang parusa, at kung ang mga lumabag ay menor de edad, ang kanilang magulang o guardian ang isasailalim sa swab test o magbabayad ng multa.
Muling nanawagan si Mayor Toby Tiangco sa nasasakupan na sumunod sa minimum safety protocols upang makapagligtas ng buhay at matuldukan na ang pandemya. (ALAIN AJERO)
