MAKATATANGGAP na ng kanilang special risk allowance (SRA) ang lahat ng health workers na nangangalaga sa mga pasyenteng may COVID-19 matapos ilabas ng Department of Budget and Management (DBM) ang 9 bilyon pisong pondo para sa Department of Health (DOH).
Sa pahayag ng DBM kamakailan, ang private at public health workers ay makatatanggap ng SRA na hindi lalagpas ng P5,000 kada buwan.
Sakop nito, mula Disyembre 20, 2020 hanggang Hunyo 30 ng kasalukuyang taon sa ilalim ng Administrative Order No. 42 na inisyu ni Pangulong Duterte.
Noong nakaraang taon ay nilagdaan din ni Pangulong Duterte ang Administrative Order No. 36 para bigyan ang health workers na direktang nangangalaga sa COVID-19 patients ng risk allowance, sakop nito ay Setyembre 15 hanggang Disyembre 19, 2020. (JOEL O. AMONGO)
118
