MINUTO lamang ang inabot ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa pagratipika ng 2026 General Appropriations Act (GAA) na nagkakahalaga ng P6.793 trilyon, sa kabila ng pagtutol ng mga miyembro ng oposisyon.
Sa pamamagitan ng ayes at nays voting, agad na inaprubahan ang bicameral conference committee report sa pambansang pondo at kaagad ding in-adjourn ang sesyon, dahilan upang hindi na makapagpaliwanag ng kanilang boto ang mga mambabatas, partikular ang mula sa oposisyon.
“Ano kayang pasabog ito na napakabilis ng pangyayari sa pagraratipika ng bicam report. Kaagad na inimove ang adjournment at in-adjourn na. Nakakagulat at nakakadismaya,” pahayag ni Mamamayang party-list Rep. Leila de Lima.
Kapareho rin ang reaksiyon ng Makabayan bloc, na nagsabing nasayang ang kanilang paghahanda para sa explanation of votes matapos hindi payagang magsalita ng liderato ng Kamara. Ayon kay ACT Teachers party-list Rep. Antonio Tinio, ngayon lamang umano nangyari na hindi pinayagan ang mga tumututol sa pambansang pondo na ipaliwanag ang kanilang boto.
Dahil dito, inilabas na lamang ni Davao City Rep. Isidro Ungab sa pamamagitan ng press release ang kanyang paliwanag kung bakit tinutulan niya ang bicam report. Inireklamo niya ang malaking tapyas sa pondo ng Foreign-Assisted Projects (FAPs), na mula sa P70 bilyon ay naging P17.7 bilyon na lamang sa bicam, kahit P100 bilyon ang nakasaad sa National Expenditure Program (NEP).
Binanggit din ni Ungab ang malalaking bawas sa mga pangunahing transport project, kabilang ang Metro Manila Subway na nabawasan ng P24.9 bilyon o 55.1 porsyento, at ang North–South Commuter Railway na tinapyasan ng P47.3 bilyon o 62.2 porsyento. Aniya, ang mga pagbawas na ito ay magdudulot ng pagkaantala sa mahahalagang proyektong imprastruktura na kritikal sa economic recovery at urban mobility.
Ipinunto rin niya na bahagya lamang ang ibinawas sa Unprogrammed Appropriations (UA), na nanatili sa P243.4 bilyon mula sa P250 bilyon sa NEP. Bagama’t inalis ang P80.8 bilyon na pondo para sa kontrobersyal na SAGIP, inilipat umano ito sa UA, kabilang ang P35.7 bilyon na dating nakalaan bilang government counterpart para sa foreign-assisted projects.
Ayon naman kay Kabataan party-list Rep. Renee Co, bukod sa UA ay may P141 bilyon pa ring inilaan para sa mga proyektong madaling maabuso tulad ng farm-to-market roads, classrooms at health centers. Hindi rin umano tinanggal ang P57.87 bilyong pork barrel na inilagay sa local government units, P8.08 bilyon para sa Barangay Development Projects ng NTF-ELCAC, P11.88 bilyon para sa Confidential and Intelligence Funds, at P18.01 bilyon para sa pagho-host ng ASEAN Summit sa susunod na taon.
Leviste Hindi Pinayagang Magsalita
Kasabay ng ratipikasyon ng pambansang pondo, hindi rin pinayagan ng liderato ng Kamara na mag-privilege speech si Batangas Rep. Leandro Leviste upang ilahad ang umano’y DPWH leaks. Walang ibinigay na paliwanag ang liderato kung bakit siya hindi pinagsalita.
Sa ambush interview, ipinahayag ni Leviste ang kanyang pagkadismaya at sinabi na tatalakayin sana niya ang mga alegasyon ng insertions sa Department of Public Works and Highways, kabilang ang P10.5 bilyong karagdagang pondo ng Kamara sa 2026 budget.
Kabilang umano sa ilalatag niya ang P8 bilyong insertions na nakapangalan sa OP/ES/SAP, kung saan P300 milyon ay ginamit sa solar street lights sa kanyang distrito. Ayon kay Leviste, umaabot sa P230,000 ang halaga ng bawat solar street light, samantalang ayon kay Caloocan City Rep. Edgar Erice ay maaaring mabili ang bawat unit sa halagang P50,000 lamang.
Dismayado rin si Erice sa hindi pagpapahintulot kay Leviste na magsalita, at iginiit na karapatan ng bawat mambabatas ang privilege speech. “Nasa rules namin na kung question of collective privilege, dapat bigyan ng pagkakataon ang lahat. Ang nangyari, tyranny of the majority,” ani Erice.
Bago ang sesyon, hayagang tumutol si Deputy Speaker Ronaldo Puno sa privilege speech ni Leviste, at sinabing hindi pa umano lubusang napag-aaralan ng mambabatas ang kanyang mga paratang. Aniya, hindi na dapat sayangin ang oras ng Kamara sa mga paksang hindi pa ganap na nauunawaan.
(BERNARD TAGUINOD)
109
