CAVITE – Mahigit sa P6 milyong halaga ng umano’y shabu ang nasabat sa dalawang arestadong hinihinalang tulak ng ilegal na droga sa isinagawang buy-bust operation sa parking lot ng isang mall sa Bacoor City noong Sabado ng umaga.
Nahaharap sa kasong paglabag sa Sec. 5 in relation to Sec. 26 par. (b) (Attempt/Conspiracy to Sell Dangerous Drug) ng Article II ng RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002, ang arestadong mga suspek na sina alyas “Khalil”, 30, isang magsasaka, at “Jamal”, 19, pawang mga residente ng Quezon City.
Ayon sa ulat, dakong alas-11:30 ng umaga, nagsagawa ng buy-bust operation ang pinagsamang pwersa ng Provincial Drug Special Enforcement Team 1 at PNP Cavite Maritime Police Station sa isang kilalang mall sa Brgy. Molino IV, Bacoor City, na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nakuha sa kanila ang humigit kumulang sa 1,000 gramo ng hinihinalang shabu na may standard price na P6,800,000 at ang buy-bust money na ginamit sa operasyon.
(SIGFRED ADSUARA)
