P600-M anomalya nabuksan sa Kongreso ‘AMNESTY SCANDAL’ SA PHILHEALTH

MADARAGDAGAN pa ang kasong kinakaharap ng matataas na opisyales ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) matapos mabuko sa pagdinig ng House committee on public accounts na pinamumunuan ni Anakalusugan party-list Rep. Mike Defensor ang tinaguriang “amnesty scandal”.

Ang nasabing scam ay pinakahuling anomalya na nagawa umano ng PhilHealth bago tuluyang sumambulat ang Interim Reimbursement Mechanism (IRM) na nagtulak sa dalawang Kapulungan ng Kongreso na muling magsagawa ng imbestigasyon.

Sa pagtatanong ni Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, lumabas na noong Mayo 14, 2020 ay nagkaroon ng board approval para sa P600 milyon na late payments sa mga ospital na ni-reject ang claims mula 2011 hanggang 2019.

Ayon kay Barbers, umaabot sa P4 bilyon ang claims umano ng iba’t ibang ospital na una nang ni-reject umano ng Protest Appeals and Review Department (PARD) na pinamumunuan ng nag-resign na si dating Senior Vice President for Legal sector Atty. Rodolfo del Rosario Jr. “In an unexplainable sudden turn of events last May 2020, without the required detailed evaluation of each claim, PARD reversed its decisions and decided to grant its version of an “amnesty” by paying all these hospitals,” ani Barbers.

Naniniwala ang mambabatas na maanomalya ang ginawang ito ng grupo ni Del Rosario at hindi nito matanggap ang katuwiran ng mga ito na nais lamang nilang tulungan ang mga ospital sa gitna ng pandemya sa COVID-19.

“They suddenly became generous and considerate after years of neglecting these claims,” ayon pa sa mambabatas dahil walang evaluation na ginawa sa claims na ito ng mga pagamutan.

“They are all grossly negligent and entered into a deal that is grossly disadvantageous to the government.

In a matter of days, PARD has reversed years-old  decisions and succeeded in getting a Board approval for more than 600 Million pesos.  It is just like peanuts for them.  What is in it for Atty.

Polintan of PARD, SVP del Rosario and the PhilHealth Mafia, I wonder,” dagdag pa ng kongresista.

NINAKAW? Samantala, imbes i-remit, ninanakaw umano ang kontribusyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa PhilHealth kaya hindi nakapagtatakang pababa nang pababa ang nakokolekta sa mga ito sa mga nakaraang taon.

Ito ang isiniwalat ni Ken Sarmiento, dating tauhan ng PhilHealth na nakatalaga sa Philippine Overseas Employment Administration (POEA) sa House committee on public accounts na nag-iimbestiga sa katiwalian sa PhilHealth.

Iniharap ni Deputy Speaker Dan Fernandez si Sarmiento na tinanggal umano sa puwesto kaya natigil ang kanilang imbestigasyon sa pagnanakaw sa remittances ng OFWs.

Natuklasan ni Sarmiento ang katiwaliang ito matapos makakita ng mga resibo ng remittances ng OFWs subalit lumalabas na ginamit ang mga ito sa iba’t ibang lugar tulad ng Batangas at Pampanga.

“The receipts have been ‘recycled’ based on what they issued before. The control numbers were sourced from different provinces. I found this out from security watermarks and data verification,” ani Sarmiento.

Nakapagtala umano si Sarmiento ng 244 kaso ng falsified official receipts ng may 7,257 OFWs na nag-remit ng kanilang kontribusyon subalit hindi nakarating sa PhilHealth ang mahigit P17 milyong halaga.

Lalong lumakas ang ebidensya na ninakaw ang mga remittance ng mga OFW matapos na may mga ‘hiring agency” na kumolekta sa kontribusyon subalit hindi nire-remit sa PhilHealth dahil sa instruksyon umano ng ‘mafia”.

Dahil dito, bumaba umano ang koleksyon sa OFW dahil mula sa P1.7 bilyon na koleksyon noong 2012 ay naging P1.2 na lamang ito noong 2015, P823 milyon naman noong 2016 at P465 milyon na lamang noong 2017.

Nang pagpaliwanagin ni Dasmariñas City Rep. Elpidio Barzaga Jr. si Sarmiento kung bakit tinanggal ito sa PhilHealth, itinuro nito sina VPs Dennis Mas, Nerissa Sugay, Gilda Salvacion Diaz at iba pa na nagdesisyon na umanong tanggalin siya sa puwesto kaya natigil ang pag-iimbestiga nito. (BERNARD TAGUINOD)

216

Related posts

Leave a Comment