Hindi kwalipikado sa GCTA PAGLAYA NI PEMBERTON MAUUDLOT

MAUUNSYAMI ang nakatakda na sanang paglaya ni U.S. Marine Lance Cpl. Joseph Scott Pemberton matapos kumpirmahin ng Malakanyang na hindi muna ipoproseso ng Bureau of Corrections ang pagpapalaya rito.

Si Pemberton ay nahatulan sa kasong pagpatay sa transgender woman na si Jennifer Laude noong 2014.

Ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque, ang pagpapaliban ay ipinarating sa kanya sa pamamagitan ng text message ni BuCor Dir. Gen. Gerald Bantag, base sa payo ng Department of Justice dahil may inihain pang motion for reconsideration ang kampo ni Laude.

Kaya makabubuti aniyang hintayin muna na maresolba ang inihaing mosyon bago pag-usapan ang proseso ng pagpapalaya kay Pemberton.

Sinabi pa ni Sec. Roque, na nagkausap sila ni Justice Secretary Menardo Guevarra at sinabi nito na labag ang ginawa ng korte ng Olongapo City sa rekomendasyon ng Bureau of Corrections.

Ani Roque, sang-ayon sa batas sa pagbibigay ng Allowance of Good Conduct, kinakailangang may rekomendasyon ito ng BuCor.

Sa nangyari aniya sa kaso ni Pemberton, ang huwes ang nagdesisyon para sa GCTA nito na isang judicial overbreach.

Dahil dito, sinabi ni Sec. Roque na kailangan munang pagbigyan ng korte na mapakinggan ang motion for reconsideration ng pamahalaan sa pamamagitan ng piskalya.

Hindi naman aniya matatawag na ignorance of the law ang ginawa ng mababang korte, bagkus ay remedyuhan nito ng legal kung talagang may pagkakamali sa desisyon o bigyan nito ng pagkakataong pag-aralan ang inihaing mosyon.

Nanindigan si Sec. Roque na dapat ay sinunod ng korte ang rekomendasyon ng BuCor dahil sa ilalim ng batas, ang ehekutibo dapat ang tutukoy sa entitlement ng liberality ng parusa at hindi ang korte.

Nabatid na kabilang sa inihaing mosyon ng abogado ng pamilya Laude na si Atty. Virgie Suarez, ang kawalan ng rekomendasyon mula sa BuCor na maisama sa allowance for good conduct.

Ang ikalawa ay ang hindi pagiging kuwalipikado ni Pemberton sa GCTA dahil nag-iisa at wala itong mga kasama sa panahon ng kanyang pagkakakulong.

At ang pangatlo ay ang kawalan ng hurisdiksiyon ng bansa sa US Marine kaya hindi talaga ito maaaring mabigyan ing GCTA.

Hinatulan si Pemberton ng Court of Appeals ng hanggang 12 taon pagkakulong pero ibinaba ito ng 10 taon dahil sa pagpatay kay Laude.

Si Laude ay matatandaan na natagpuang patay at may mga sugat sa ulo at marka na sinakal sa bathroom ng isang motel sa Olongapo City, Zambales matapos sumama kay Pemberton sa night out noong Oktubre 11, 2014.

Dahil sa umiiral na 1998 Visiting Forces Agreement sa pagitan ng Pilipinas at Amerika, ikinulong si Pemberton sa custodial center ng Armed Forces of the Philippines.

Mananatili sa Camp Aguinaldo Inihayag naman ng Armed Forces of the Philippines na base sa deklarasyon ng BuCor kasunod ng apela ng pamilya ni Laude na mananatili pa rin sa Camp Aguinaldo si Pemberton.

“The normal release process is on hold. Pemberton remains under custody of BuCor at its extension facility in Camp Aguinaldo (in Quezon City),” ayon sa Bucor.

Sa pahayag ng Bucor na ibinahagi kahapon ni Navy Captain Jonathan Zata, AFP Public Information Office chief: “On the side of BuCor, we recieved a copy of the MR filed by the aggrieved party. Yung RTC branch 74 mismo nag-communicate sa atin. This means BuCor will wait for the  final resolution of the MR before continuing the release process. So as is po muna tayo.”

Bigo naman ang mga mamamahayag na nagko-cover sa Defense beat na makita si Pemberton bilang patunay na nakakulong pa rin ito sa isang bahagi ng AFP-ISAPF compound.

Kinondena Sa kabilang dako, kinondena sa dalawang kapulungan ng Kongreso ang maagang pagpapalaya kay Pemberton.

Pinalagan at masama ang loob ni Senador Panfilo Lacson dahil dapat aniya ay habambuhay na pagkakakulong o reclusion perpatua na hanggang 40 taon ang parusa kay Pemberton dahil murder ang kanyang kaso.

“Siyempre dahil Pilipino ang biktima at foreigner ang na-convict, masama ang loob natin.

Di ba pag murder ang kaso alam nating reclusion perpetua, so 40 years yan. E parang 6 taon lang ang pinagkakulong,” ayon kay Lacson.

“Hindi natin alam ano ang intricacies nito. Bukod sa sinasabing may computation na ginawa para sa GCTA, siyempre may mga underpinnings yan na hindi naman dini-discuss in public or openly,” dagdag ni Lacson.

Sa Kamara ay ikinagalit din ito ni Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas.

“Pemberton’s early release is an injustice to all Filipino women and LGBTQ who were made highly vulnerable to rape, prostitution, and other forms of gender-based violence under VFA (Visiting Forces Agreement) and EDCA (Enhanced Defense Cooperation Agreement),” ani Brosas.

Ayon sa mambabatas, hindi man lang nakulong si Pemberton sa National Bilibid Prison (NBP) simula noong masintensyahan ito bagkus ay sa detention facility sa Camp Aguinaldo ito nanatili at bagama’t sa 2024 pa matatapos ang kanyang sentensya ay palalayain na ito dahil sa GCTA. (CHRISTIAN DALE/JESSE KABEL/ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)

153

Related posts

Leave a Comment