GANAP nang inaprubahan ng Kamara de Representantes ang panukalang P30.57 bilyong budget ng Department of Finance (DOF), ayon mismo kay Finance Secretary Benjamin Diokno kasabay ng isang pahayag ng pasasalamat sa metikuloso subalit mabilis na proseso sa deliberasyon ng mga kongresista.
“Many thanks to the Committee on Appropriations and our legislators for their careful deliberation of our budget. This will allow us to modernize our main revenue agencies and push for key economic reforms for robust and inclusive growth,” ani Sec. Diokno.
Sa kinatigang P30.57 billion DOF budget para sa fiscal year 2023 na bahagi ng House Bill 4488 (2023 General Appropriations Act), P6 bilyon ang inilaan sa Bureau of Customs (BOC).
Sa pagtataya ni Diokno, mas mataas ng 14.34% ang inaprubahang 2023 budget ng pinamumunuang kagawaran kumpara sa P26.7 bilyon pondong inilaan para sa kasalukuyan taon.
Bukod sa BOC, kabilang din sa babahagian ng pondo mula sa inaprubahang 2023 DOF budget ang Bureau of Internal Revenue (BIR) na pinaglaanan ng P13.1 bilyon habang P4.2 bilyon naman ang para sa Bureau of Treasury.
Pasok din sa mga prayoridad ng kagawaran ang Information and Communications Technology (ICT) na nakatakdang tustusan ng P3.56 bilyon bilang tugon sa hamon ng modernisasyon para sa mas masigasig na koleksyon.
(JOEL AMONGO)
