NAGALIT si Senador Richard Gordon sa pamunuan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) dahil hindi nito nabayaran ang P700.5 milyon sa Philippine Red Cross (PRC).
Mula sa paunang bayad na P100 milyon, P700.5 milyon pa ang balance ng PhilHealth para sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) swab testing ng PRC sa mga miyembro ng PhilHealth, ani Gordon, chairman din ng PRC.
Inilabas ito ng senador sa media makaraang mabunyag sa imbestigasyon ng Senado na binigyan ng PhilHealth ng P45 milyon ang isang pribadong ospital sa Metro Manila na wala namang kapasidad na magsagawa ng COVID-19 test.
Ani Gordon, mahihinto ang COVID-19 swab testing ng PRC sa Metro Manila dahil sa ginawa ng pamunuan ng PhilHealth.
“How can we operate if we do not have enough test kits and we do not have money to pay our med techs and other staff? We have been totally cooperative in all aspects, but we cannot afford to
continue if the government, particularly PhilHealth, continues to fail to pay for their lawful obligations,” bigwas ng mambabatas.
Hindi rin makapagsisimula ang operasyon ng mga laboratoryo ng PRC sa Bacolod, Zamboanga at Cagayan de Oro.
Idiniin ni Gordon na hindi na muna tatanggap ng mga magpapa-swab test kung miyembro ng PhilHealth. (NELSON S. BADILLA)
187 