NASAMSAM ng pinagsanib na puwersa ng CIDG at pulisya ang tinatayang P80-milyong halaga ng smuggled na sigarilyo sa isang bodega sa Barangay Prenza 1, Marilao, Bulacan nitong Pebrero 6.
Sa ulat, nagsagawa ng entrapment operation ang mga operatiba mula ala-1:00 ng madaling araw hanggang alas-8:30 ng umaga sa J1 Industrial Compound na nagresulta sa pagkakaaresto ng dalawang dayuhan na umano’y sangkot sa malawakang distribusyon ng ilegal na produktong tabako.
Nadiskubre sa operasyon ang trailer truck at mga closed van na puno ng sigarilyo na nakaimbak sa bodega na pinapatakbo ng mga suspek.
Tinatayang nasa P80 milyon ang halaga ng mga nakumpiskang produktong tabako batay sa Daily Price Index.
Ang operasyon ay bahagi ng “Oplan Mega Shopper,” kampanya ng PNP-CIDG laban sa pagpupuslit, paggawa at pamamahagi ng mga pekeng produkto.
Pinagtibay ni CIDG RFU 3 chief PCol Grant Gollod ang patuloy na kampanya laban sa ilegal na kalakalan at sinabing pananagutin ang mga nasa likod ng operasyon.
Matatandaang nagsagawa rin ng inspeksyon si Interior Secretary Juanito Victor Remulla kasama ang Bureau of Customs at PNP sa isang warehouse sa Mexico, Pampanga kung saan natuklasan ang P400-milyong halaga ng illicit cigarettes at mga makinang gamit sa paggawa ng sigarilyo.
Anim na Chinese national ang naaresto habang 63 Pilipinong manggagawa ang nailigtas sa operasyon noong Enero 28. Inihayag din ni Remulla na may dalawang opisyal ng gobyerno sa Northern Luzon na umano’y financier ng ilegal na operasyon ngunit tumanggi itong pangalanan.
4
