P800K NABUDOL SA SENIOR CITIZEN

RIZAL – Nakulimbat ang P800,000 halaga ng cash sa isang 63-anyos na lola makaraang mabiktima ng budol-budol gang sa isang fast food restaurant sa Brgy. San Isidro sa bayan ng Angono sa lalawigang ito.

Kinilala ang biktimang si Anabelle Almonte Sausa, residente sa Rodriguez St., Brgy. San Vicente, Angono, Rizal.

Ayon sa ulat kay P/Lt. Mariesol Tactaquin, Rizal Provincial Information Officer, agad nagtungo sa tanggapan ng Angono Police Station dakong ala-1:10 ng hapon noong Miyerkoles ang biktima at anak nito upang ipagbigay-alam ang insidente.

Ayon sa biktima, noong Martes bandang alas-11:15 ng umaga, nagtungo siya sa isang supermarket upang mag-grocery nang lumapit umano ang isang babae at nagkwento na kilala nito ang anak ni Sausa

Makaraan ang ilang minuto, niyaya umano siya ng babae sa isang fast food restaurant kung saan naroroon ang isa pang babae at niyaya siyang magtungo sila sa Taytay Public market upang kunin ang kanilang pera kasama ang isa pang babae at driver na lalaki.

Sumakay umano sila sa isang sasakyan ngunit makaraan ang 30 minuto ay sinabi umano ng mga suspek sa biktima na umuwi siya sa kanilang bahay para kunin ang passbook nito at mag-withdraw ng pera sa BPI.

Wala sa sariling nag-withdraw naman umano ang biktima ng P800,000 sa kanyang bank account at inilagay ito sa isang dilaw na eco bag.

Pagkaraan ay muli silang sumakay sa sasakyan ngunit hindi namalayan ng biktima na ang hawak niyang dilaw na eco bag at pinalitan ng mga suspek ng kulay ubeng eco bag.

Ibinaba ng mga suspek ang biktima sa kanyang bahay bandang alas-2:00 ng madaling araw noong Miyerkoles.

Nang mahimasmasan ang biktima, inusisa nito ang laman ng eco bag na natuklasan niyang may nakalagay na isang pirasong P1,000 sa ibabaw ngunit ang ilalim ay mga tinuping papel lamang.

Sinusuri na ng pulisya ang CCTV footages upang mabatid kung saan dinala ang biktima at inaalam ang pagkakakilanlan ng mga suspek. (CYRILL QUILO)

139

Related posts

Leave a Comment