DALAWANG babae ang dinakip ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency sa ikinasang anti-narcotic interdiction operation matapos tangkaing i-claim ang isang package mula sa Germany na naglalaman ng P9.5 milyong halaga ng party drugs.
Higit 5,000 tableta ng party drugs na ecstasy ang nakumpiska sa isinagawang controlled delivery operation sa Quezon City Central Post Office na sinubukang kunin ng dalawang babaeng residente ng Quezon City at Bacoor City, Cavite.
Ayon sa ulat na isinumite kay PDEA Director General Wilkins Villanueva, inilatag ang patibong ng anti-narcotic operatives ng PDEA Regional Office-NCR NAIA Inter-Agency Drug Interdiction Task Group (IADITG) matapos makumpirmang naglalamang ng libo-libong piraso ng ecstasy o party drugs ang dumating na parcel kasama ang isang foot massager noong Lunes sa Quezon City Central Post Office sa Brgy. Pinyahan.
Kinilala ni Dir. III Christian Frivaldo, PDEA NCR, Regional Director at Task Group commander ng NAIA-IADITG, ang dalawang arestadong mga suspek na sina Ma. Isabella Albano, 27, at Jessica Munoz.
Nakumpiska ng PDEA sa naturang operasyon ang 5,637 piraso ng colored ecstasy (MDMA) tablets na may standard drug price na mahigit P9,582,900.
Sinabi ni Frivaldo, ang nasabing parcel na idineklarang children’s toys and apparel mula sa Neuss, Germany ay dumating sa bansa nuong Enero 28, 2021.
Ang dalawang suspek ay naharap sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL)
180 