TINATAYANG aabot sa P9.5 milyong halaga illegal drugs ang nasamsam ng mga awtoridad sa isinagawang anti-narcotics operation ng mga tauhan ng Philippine Drug Enforcement Agency sa Iligan City kahapon.
Ayon sa ulat na isinumite sa tanggapan ni PDEA Director General Moro Virgilio Lazo, tinatayang 1,400 gramo ng hinihinalang shabu na may street value na nagkakahalaga ng P9,520,000, ang nasamsam sa isinagawang buy-bust operation sa Tibanga Highway, Barangay San Miguel, Iligan City kahapon ng tanghali.
Bandang alas-2:00 ng hapon inilunsad ng pinagsanib na puwersa ng PDEA RO IX Regional Special Enforcement Team, katuwang ang PDEA RO X Lanao del Norte Provincial Office, PDEA RO X Misamis Occidental Provincial Office, at Regional Intelligence Unit, ang buy-bust operation laban sa hinihinalang bigtime drug dealer sa lalawigan.
Nadiskubre ang illegal drugs sa loob ng isang vacuum-sealed transparent plastic pack at apat na knot-tied plastic packs.
Dalawang suspek ang nadakip sa nasabing drug sting na kinilalang sina Raisah Amer y Radiamoda, 59, at alyas “Bappa,” na nasugatan sa nasabing operasyon.
Kabilang sa non-drug item na nakuha ng mga awtoridad ang isang black shoulder bag, isang bukas na green tea foil pack labeled “GUANYINWANG” with Chinese characters, itim na J&T plastic pouch, brown paper bag, Toyota Fortuner with key, at ang marked buy-bust money na ginamit sa operasyon.
Kapwa nahaharap ang mga suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act 9165, o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JESSE KABEL RUIZ)
