Kaya ‘dinaga’ sa Impeach Sara? MARCOS TAKOT MAKALKAL SARILING CONFI AT INTEL FUNDS

(BERNARD TAGUINOD)

KINASTIGO ng Makabayan bloc ang liderato ng Mababang Kapulungan ng Kongreso sa patuloy na hindi pag-aksyon sa tatlong impeachment complaint na inihain ng iba’t ibang grupo laban kay Vice President Sara Duterte.

Pangamba nila, ang hindi pag-aksyon ng Kamara ay pag-iwas din na mabulatlat ang pondo ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

“Never in the history of Congress have we witnessed impeachment complaints languishing in the Secretary General’s office for more than a month,” ayon sa joint statement ng nasabing grupo na kinabibilangan nina ACT Teachers Rep. France Castro; Gabriela party-list Rep. Arlene Brosas at Kabataan party-list Rep. Raoul Manuel.

Naihain ang ikatlong impeachment case laban kay Duterte noong December 19, 2024 at bagama’t bumalik na ang session ng Kongreso noong Enero 13, 2025 ay hindi pa ito ipinapasa ni House Secretary General Reginald Velasco sa Office of the Speaker.

Naniniwala ang grupo na ang hindi pag-aksyon ng Kongreso sa tatlong impeachment complaint ay dahil sa mga pag-amin ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., na kinausap niya ang kanyang mga kaalyado na huwag ipa-impeach si Duterte.

Sinabi ng grupo na direktang pakikialam ito ng Pangulo sa trabaho ng Kongreso at itinuturing nila itong ‘obstruction of constitutional processes and democratic accountability’ sa maling paggamit umano ni Duterte sa kanyang confidential funds.

“We must ask: Does this have something to do with his own confidential funds and the system that benefits him and his allies?,” tanong pa ng nasabing grupo.

Si Marcos ang may pinakamalaking confidential at intelligence funds (CIF) na umaabot sa P4 billion habang ilang piling ahensya ay meron din umanong ganitong pondo na hindi dumadaan sa audit ng Commission of Audit (COA).

Mas malaki ito sa P612.5 billion confidential funds ni Duterte na kinukuwestiyon ang paggamit dahil marami sa mga recipient nito ay hindi totoong tao tulad nina Mary Grace Piattos at Kokoy Villamin.

136

Related posts

Leave a Comment