Aabot ng mahigit sa siyam na milyong pisong (P9.97-M) halaga ng smuggled na sigarilyo ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Davao kamakailan.
Armado ng alert order na inisyu ni Port of Davao District Collector Erastus Sandino Austria, sa mga miyembro ng Port’s Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS), Enforcement and Security Service (ESS) at X-ray Inspection Project (XIP) para hulihin ang shipment na kung saan ay idineklara bilang brand new PP Bags.
Subalit, matapos na isagawa ang physical inspection, ay napatunayang naging positibo para sa misdeclaration bilang 450 boxes ng President brand cigarettes na may tinatayang market value na P9,974,729,87 milyong piso.
Isang Warrant of Seizure and Detention (WSD) ang agad na inisyu laban sa buong shipment na naaayon sa RA 10863 o mas kilala bilang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).
Ang pinakabagong pagkakasabat ng mga sigarilyo ay napag-alamang may kaugnayan sa pagkakahuli ng ‘multi-million illicit cigarettes trading’ sa ibang bansa.
Kaugnay nito, ang Customs sa Davao region ay patuloy sa kanilang pinatinding kampanya laban sa smuggling ng mga ilegal na kalakal sa bansa na nakalinya sa kampanya at programa ni Comissioner Rey Leonardo Guerrero sa layuning makamit ang international standards pagdating sa revenue collection, border protection at trade facilitation. (Joel O. Amongo)
120
