P900-M GINUGOL SA BULACAN KONTRA COVID-19

INIHAYAG ni Bulacan Governor Daniel Fernando na ang mahigit P900 milyon mula sa national government ay hinati sa lalawigan ng Bulacan, mga bayan at lungsod na siyang mangangasiwa sa
pondo para sa paglaban sa COVID-19.

Tugon ito ng gobernador sa mga lumutang na katanungan kung saan napunta ang naturang halaga na mula sa pamahalaang nasyunal.

Sa ginanap na Provincial Task Force (PTF) COVID-19 meeting sa pamamagitan ng Zoom na idinaos sa Francisco Balagtas Hall sa Hiyas ng Bulacan Convention Center, lungsod ng Malolos nitong Lunes ay sinagot ni Fernando ang lahat ng mga katanungan ng mga pumupuna at kritiko sa kanyang pamamahala.

Nabatid na P162 milyon mula sa P900 milyon ay napunta sa provincial government na siya namang ginamit sa pagsasaayos ng mga  Covid center, molecular lab, isolation facilities, equipments at iba pang pangangailangan upang labanan ang COVID-19.

Nakapagkaloob na rin umano ang provincial government ng mahigit isang milyon halaga ng ayuda.

Nauna rito, nag-post sa Facebook si Vice Governor Willy Alvarado na nagtatanong kung saan napunta ang nasabing halaga na ipinagkaloob ng pamahalaang nasyunal sa Bulacan para sa mga
apektado ng ilang buwang pananalasa ng pandemya.

Ayon sa gobernador, hindi napapanahon sa dinaranas ngayong pandemya ng bansa at maging ng buong mundo ang pamumulitika at paninira, sa halip ay magkaisa ang lahat upang masolusyunan
ang kinakaharap na suliranin laban sa COVID-19.

Aminado naman si Fernando na nagkaroon ng ilang pagkukulang sa pagpapaalala ang Bulacan PTF subalit hindi aniya ibig sabihin nito ay mali ang pamamahala ng pamahalaang panlalawigan sa
lahat ng aspeto.

“Sana po, liwanagin lagi ang datos bago magsalita,” ani Fernando. (ELOISA SILVERIO)

136

Related posts

Leave a Comment