TATLONG dambuhalang containers na naglalaman ng mga imported na sigarilyo ang kinumpiska kamakailan ng Bureau of Customs (BOC) sa Port of Subic sa Zambales, bilang pambungad ng mas agresibong kampanya laban sa smuggling sa bansa.
Babala pa ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, hindi palalampasin ang sinumang district collector na mapapatunayang nakikipag kuntsabahan sa mga sindikatong sangkot sa yosi smuggling saan mang panig ng kapuluan.
Kasabay nito, binigyang pagkilala naman ng Philip Morris International (PMI) Inc. ang BOC, gayundin ang Department of Finance (DOF) sa mas maigting na programa laban sa pagpupuslit hindi
lamang ng mga sigarilyo kundi maging sa iba pang materyales na karaniwang ginagamit sa pamemeke ng nasabing product.
Sa tala ng BOC, aabot sa P90 milyon ang halaga ng 1,500 master cases ng COO cigarettes mula sa tatlong containers na nasabat ng BOC sa Port of Subic dahil sa kawalan ng import permit mula sa National Tobacco Administration (NTA) at tax stamps naman mula sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
Buwan ng Disyembre ng nakaraang taon nang kumpiskahin din ng BOC-POC ang katulad na brand ng sigarilyong laman ng isang container. Naembargo ng mga kawani ang nasabing kargamento dahil sa kawalan ng kaukulang permiso para mag-angkat mula sa NTA.
Gayunpaman, hindi na inilahad ng kalatas ng kawanihan kung iisang kompanya lang ang nasa likod ng mga bugong tangkang pagpupuslit ng sigarilyo sa bansa.
Samantala, umaaray naman ang mga lehitimong negosyante sa anila’y paglaganap ng mga mga imported na sigarilyong ibinebenta sa mas mababang presyo. Suspetsa ng mga negosyante, smuggled ang mga sigarilyong nagkalat ngayon sa Metro Manila at mga karatig lalawigan. (JOEL AMONGO)
228 