P92-B LUGI NG GOBYERNO SA NGCP

Buwis hindi binayaran – TransCo

WALA nang binabayarang buwis ang National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) dahil hindi na nga ito siningil ng income tax at iba pang buwis, pati 3% franchise tax nito ay pinayagan pa ng gobyerno na ipasa sa mga konsyumer.

Muling lumabas ang galit ni Sen. Risa Hontiveros nang malaman mula sa mga dokumentong nakalap ng kanyang tanggapan, na pati pala ang 3% franchise tax na kaisa-isang buwis na dapat singilin ng gobyerno sa NGCP alinsunod sa kanyang batas sa prangkisa ay nagawa pa nitong ipasa sa mga konsyumer.

Sa ilalim ng NGCP franchise law (R.A. 9511), tanging 3% franchise tax at amilyar ang maaaring singilin sa pribadong konsorsyum na kinabibilangan ng Monte de Oro, Calaca High Power at State Grid of China.

“Hindi na nga nasingil ang NGCP sa income tax at iba pang buwis dahil ginawang exempted sa kanyang prangkisa, pati ba naman natitirang franchise tax ay nagawa pa nitong dukutin sa bulsa ng masa at hindi sa sariling bulsa. Nakakagigil. Bakit ito pinalusot ng ERC?” galit na pahayag ng senadora.

Ayon kay Hontiveros, sa 2014 Financial Statement ng NGCP ay pinangatawanan nito na ang 3% franchise tax ay ‘pass-through’ in nature kaya’t sinimulan nila itong ipasa sa mga kostumer noong December 26, 2010 – January 25, 2011 billing. Alinsunod umano ito sa Resolution No. 7, series of 211 ng Energy Regulatory Commission (ERC) na nagpapahintulot sa NGCP na ipasa ang kanyang franchise tax sa mga konsyumer.

“Malinaw na malinaw. Ang NGCP na kumikita at tumatabo ng bilyones ay hindi direktang nasisingil ng gobyerno ng anomang buwis dahil maging ang kaisa-isang buwis  – ang 3% franchise tax- na kanyang obligasyon ay naipasa pa nito sa mga konsyumer. Hindi ba’t inutil na nagpaloko ang gobyerno dito, habang milyun-milyong konsyumer ang naperwisyo?” pagdidiin ni Hontiveros na siyang nagsiwalat nito sa Senado.

Sinita rin ng senadora ang ERC sa kapabayaang ito dahil kung hindi umano ‘captured’ ang ating regulator, hindi papasanin ng mga konsyumer ang wala sa katwiran at pahirap na buwis na ito.

Nangako si Hontiveros na bubusisiin niya ang iba pang detalye tungkol sa anomalyang ito sa susunod na mga pagdinig ng Senado.

Sa taya ng National Transmission Corporation (TransCo), sa usapin pa lamang ng buwis ay hindi bababa sa P92 bilyon ang lugi ng gobyerno sa 25 hanggang 50 taong kontrata sa NGCP.

Matatandaan din mula sa nakaraang mga pagdinig na sa loob pa lamang ng 10 taon ng kontrata ay nabawi na ng NGCP ang kanyang investments at katunayan ay nakapamudmod na ito ng P187 bilyong dibidendo sa kanyang tatlong shareholders, kabilang ang State Grid of China. PF INVESTIGATIVE TEAM

183

Related posts

Leave a Comment