P96-M GHOST PROJECT ISININGIT SA BICAM — RIDON

INAMIN kahapon ni House committee on public accounts chairman Terry Ridon na ang P96-milyong flood control project sa Plaridel, Bulacan na tinukoy ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon bilang ghost project ay produkto ng congressional insertion sa Bicameral Conference Committee ng 2024 General Appropriations Act (GAA).

“The P96-M Wawao Builders project inspected and deemed ghost project by DPWH Sec. Vince Dizon is a congressional insertion in the bicameral conference committee,” pahayag ni Ridon.

Sinabi ng mambabatas na batay sa kanilang pagsusuri, wala ang nasabing proyekto sa 2024 National Expenditure Program (NEP) at maging sa House General Appropriations Bill (HGAB) na inaprubahan. Aniya, malinaw na sa Bicam lamang ito naisingit.

“Not in the NEP. Not in the HGAB,” diin ni Ridon, na ang kanyang komite ay kabilang sa Infra Committee na nagsisiyasat sa mga anomalya sa flood control projects. Tumanggi muna siyang ibunyag kung sino ang nagpasok ng proyekto sa Bicam.

Personal na pinuntahan ni Dizon ang lugar sa Angat River, Plaridel kahapon at ikinadismaya ang kalagayan ng proyekto. Ayon sa kalihim, ngayon pa lamang ito sinisimulan ng Wawao Builders kahit naideklara nang tapos at nabayaran na noong 2024.

Batay sa dokumentong iprinisinta ni Ridon, iniulat ng Wawao Builders na natapos ang proyekto noong Hunyo 11, 2024 at nabayaran na ng gobyerno. Subalit nang suriin ni Dizon, nagsisimula pa lamang ito.

Dahil dito, sinibak ni Dizon si dating Bulacan 1st District Engineer Henry Alcantara na umanong nagdeklara ng completion ng proyekto.

Ayon sa DPWH, hiwalay pa ang proyektong ito sa ghost project sa Barangay Piel, Baliuag, Bulacan na personal na tinungo ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. noong nakaraang buwan.

(BERNARD TAGUINOD)

61

Related posts

Leave a Comment