PARA lumuwag naman ang checkpoints dahil sa ipinatutupad na enhanced community quarantine (ECQ) ay pinaalalahanan ng Malakanyang ang mga pulis at sundalo na i-apply ang RapidPass system, isang virtual identification system na inaasahang magagamit ang QR code technology.
“Ibig sabihin lahat po ng iniisyung ID ng IATF ay patuloy pa rin pong kikilalanin,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Aniya, ang enrolment para sa RapidPass system ay kailangang gawin nang boluntaryo at dapat ay ma-cover ang mga private sector entities o indibidwal.
Ang RapidPass System ay binuo ng Department of Science and Technology (DOST), Department of Information and Communications Technology, Armed Forces of the Philippines, Philippine National Police, at DEVCON Community of Technology experts (DCTx), isang non-profit digital solutions developer.
Hinikayat din niya ang mga tagapagpatupad ng batas na tiyakin na ang galaw ng mga cargo vehicle at maging ng mga sasakyan ng public utility companies, business process outsourcing, at export-oriented establishments ay hindi mababalam mayroon man o walang RapidSystem.
Ang mga qualified entities at indibidwal ay maaaring mag-apply para sa RapidPasses sa website rapidpass.ph.
Sa oras na maberipika at maaprubahan ang aplikasyon ay makatatanggap ang mga ito ng QR code, na maaari nilang i-print o i-save sa kanilang device.
“They may present their control number to the checkpoint personnel along with a valid ID to facilitate faster travel,” ayon kay Sec. Roque. CHRISTIAN DALE
