PAANDAR NG COMELEC

HINDI sapat na paglalarawan ang salitang yabang sa pinakabagong paandar ng Commission on Elections (Comelec) kaugnay ng paggastos ng mga kandidato para sa nalalapit na Eleksyon 2022.

Ayon sa komisyon, babantayan nila ang mga patalastas ng mga aspiranteng bumubuhos ng pera sa social media bilang bagong entablado sa kampanyahan.

Bakit patalastas lang ang puntirya nila? Bakit hindi ang trolls na puro paninirang-puri ang diskarte?

Kung tutuusin, mas matindi ang epekto ng mga maling impormasyon ipinakakalat ng trolls kaysa sa mga patalastas. Alam kaya ng Comelec na walang batas na nagbibigay limitasyon sa mga advertisement sa social media?

Matagal na panahon nang social media ang gamit ng mga pulitikong hangad ay bumida o ‘di naman kaya’y manira sa tulong ng mga bayarang trolls na mahirap tuntunin at makilala. Gamit ang iba’t ibang alyas, walang habas ang mga kasinungalingang inilalabas.

Ito ang dapat pagtuunan ng Comelec. Pero paano nga naman nila kokontrolin ang trolls kung wala naman silang pera? Ang totoo nga niyan, nakadidismaya ang pagtabas sa badyet nila — kung kelan pa higit na kailangan lalo pa’t malapit na ang halalan.

Taong 2016 nang himukin nila ang Kongreso para bumalangkas ng batas para bigyang limitasyon ang mga mistulang pangangampanya ng mga pulitiko sa social media. Pagkatapos ng kanilang pabidang naglabasan sa mga balita – tapos na. Wala nang narinig mula sa kanila.

Nakakaduda ang sinseridad ng Comelec. Kasi naman kung kailan malapit na ang halalan saka sila muling umeeksena. Batid ng Comelec na wala nang sapat na panahon para bumalangkas, maghain at magpasa ng batas na ayon sa kanilang ibinida.

Kung tunay na seryoso ang komisyon sa pagsupil sa halalang pera-pera, bakit walang sigasig sa kanilang panukala?

Bakit hindi nila asintahin ang mga epal na nakabalandra naglalakihang mukha sa mga pangunahing lansangan sa iba’t ibang panig ng bansa?

Maging yaong mga nagpapamudmod ng pera sa mga pagpupulong na alam naman nating lahat na bawal pa?

Kung gusto may paraan. Kung ayaw, maraming dahilan. Isa lang ang tiyak sa tinuran ng Comelec. Press release lang yan!

203

Related posts

Leave a Comment