ISA ka ba sa nabahala noong inilipat sa National Treasury ang hindi nagamit na pondo ng PhilHealth?
Ang bilis kumalat ng kung anu-anong mga haka-haka noon. May nagsabi pang baka raw mabawasan ang benepisyo ng mga miyembro, at meron namang agad nagduda sa proseso.
Pero naging maayos, legal, tama, at para sa kapakinabangan ng mas maraming Pilipino ang pagbalik ng mga unutilized government subsidies.
Nasa General Appropriations Act of 2024 mismo ang legal na mekanismo para ma-realign ang sobrang pondo ng mga ahensya para sa mas malawak at mas urgent na pangangailangan ng bansa.
Praktikal din ito at nagpapakita ng matinong paggamit ng pera ng bayan.
At hindi lang PhilHealth ang sinabihan dito. Lahat ng government-owned or controlled corporations (GOCCs), kasama ang Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC), ay inatasang ibalik ang mga pondong hindi naman nagagamit.
Unang-una, hindi ginalaw ang kontribusyon ng PhilHealth members.
Ang pinag-uusapan dito ay government subsidy, yung pondo ng gobyerno na pangdagdag lang sana sa operasyon ng PhilHealth at iba pang ahensya kung kinakailangan.
Ni hindi nga naapektuhan ang PhilHealth sa realignment na ito.
Sa totoo lang, nagpasikat pa nga sila. Mayroon silang ₱500 bilyong chest fund, kaya napalawak pa nila ang mga benepisyo.
Halos naging doble ang benepisyo para sa biktima ng stroke at pneumonia.
Yung breast cancer coverage nila ay naging ₱1.4 milyon mula sa ₱100,000. Ang generic medicines na covered ay naging 53 mula. Nagkaroon pa ng Zero Balance Billing para siguradong walang pasyenteng uuwi nang may baong utang.
Nung nagdesisyon ang gobyerno na ibalik ang ₱60 billion sa PhilHealth para sa 2026, ito ay dahil nakita nila na nagawa ng PhilHealth na pagandahin nito ang mga benepisyo, at patunayan na kaya nilang hawakan ang pondo nang tama.
Sa madaling salita, performance-based ang desisyon. May transparency, at dumaan sa maayos na pagsusuri.
Ang pera ng bayan dapat ay ginagamit, hindi tinatambak. Dapat umiikot, gumagalaw, at napupunta kung saan ito pinaka-kailangan.
Hindi dapat natutulog sa isang account habang may mga Pilipinong nangangailangan ng tulong.
Ang mahalaga dito, ang pera ng bayan, dapat nagagamit. Hindi ito dapat nakatengga lang sa isang ahensya.
oOo
Para sa reaklamo at suhestiyon mag-email operarioj45@gmail.com.
16
