RAPIDO Ni PATRICK TULFO
BAGO namin hawakan ang mga reklamo ukol sa abandonadong balikbayan boxes na inilapit sa amin ng daan-daang mga kababayan natin mula sa United Arab Emirates (UAE), wala po kaming alam sa negosyong ito.
Isa sa mga kumpanyang inireklamo sa amin ay ang Cargoflex na pag-aari ni Mr. Arlie Tero at bago pa man kami nagkaharap ni Mr. Tero sa opisina ng MICT collector ay nakapanayam na namin ang maybahay nito na si Dinah Tero sa aming programa sa DZME 1530khz upang hingiin ang kanilang panig ukol sa problema.
Ang usapan ay nagsentro muna sa ilang Allwin balikbayan boxes na hawak na nila na hindi raw inire-release nang walang bayad sa mga kumukuha nito. Isa sa tatlong deconsolidator ng Allwin cargos ang Cargoflex kasama na ang Alin Cargo at Exspeed Manila.
Inamin ni Ms. Dinah na naniningil nga sila ng bayad sa mga kumukuha ng mga kahon sa kanilang warehouse dahil tinubos nila ang mga ito sa BOC kahit wala pang bayad na naibigay ang Allwin sa kanila, ito rin ang ginagawa ng Alin Cargo at Exspeed Manila.
Sa aming panayam kay Mr. Tero sa opisina ni Collector Romeo Rosales, sinabi nga nito na malaki na nga ang lugi niya sa Allwin balikbayan boxes dahil bago pa man ang huling labingwalong containers ay binayaran na nila ang naunang mga ipinadala.
Ayon kay Arlie Tero, nakakausap pa nila ang mag-asawang Jose at Glory Urbiztondo (may-ari ng Allwin) bago nangyari ang pag-abandona sa huling 18 containers na ipinadala nito sa bansa.
Nagbigay raw ng katiyakan ang mga ito na kanilang ipapadala ang mga kahon basta saluhin na muna nila ang mga bayarin.
Hindi na raw nakausap pa muli nina Mr. Tero ang mag-asawang Urbiztondo at hindi na sumasagot sa kanilang mga text at mga tawag kahit na aktibo pa ang mga numero nito. May mga balita silang natanggap na tuluyan na ngang isinara ng mag-asawa ang kanilang negosyo sa Dubai at bumalik na raw dito sa bansa. Nakumpirma lang nila na totoo ito nang mapanood ang report ng aming Dubai correspondent sa aming social media pages sa FB at YouTube.
Sa paliwanag sa amin nila Mr. Tero at Collector Rosales, ang balikbayan boxes na ipinadala sa Allwin na isang consolidator, ay bayad na bago pa man ipadala ito sa Pilipinas kaya nga nagtataka si Collector Rosales kung bakit umaabot sa abandonment ang mga container.
Sa mas detalyadong paliwanag, sinabi ni Cargoflex owner Arlie Tero na maliit lang kinokolektang taxes and duties ng BOC sa balikbayan boxes, ang problema ay kapag natengga ang mga ito sa port, dito na raw papasok ang storage at demurrage na dumodoble kapag dumadaan ang mga araw na hindi pa nakukuha ang mga container. (ABANGAN ANG PART 3)
