NAGIGING sumbungan ang social media kada-araw ng mga kababayan nating nakararanas ng offload o hindi pinayagang makaalis sa bansa ng Immigration officers dahil sa iba’t ibang kadahilanan. Naintindihan natin ang sama ng loob ng mga ito ngunit nais nating bigyang linaw na hindi lahat ng kaso ay dahil sa korapsyon kung bakit pinigilan ang kanilang pag-alis.
Isang masamang bangungot para sa mga baguhang OFW ang ma-offload lalo’t kung ito ang tanging paraan upang maiahon ang kanilang pamilya sa kahirapan at may trabahong naghihintay sa kanila sa ibang bansa. Lingid sa kaalaman ng ating mga kababayan ay marami sa mga ito ang hindi alam ang posibleng magiging kahihinatnan nila sa bansang kanilang patutunguhan lalo sa mga desperadong makakuha ng trabaho, na sila’y maaaring biktima ng “trap”, ng “fake” at mapang-abuso na agency kaya’t ito’y iniiwasang mangyari ng ating pamahalaan.
Marahil ay nagkukulang lang ang ating pamahalaan partikular ang Bureau of Immigration (BI) sa pagbibigay ng tamang impormasyon at programa upang maiwasan ang offload sa mga lehitimong pasahero na ang ilan ay nagbenta at nagsanla pa ng kanilang mga ari-arian upang ipambili ng kanilang plane tickets. Ang mga Immigration officer ay dumadaan muna sa matinding training bago ilagay sa Immigration counters sa airport ngunit minsan ay ‘di talaga maiwasan na mayroong “tanga” at “power tripping” lalo na ang ilang TCEU officials.
Paalala sa ating mga kababayan na bago magbiyahe ay siguraduhing ang validity ng kanilang passport ay hindi bababa sa 6 months, malinis at walang punit o anumang marka; visa kung required sa bansang patutunguhan, hotel bookings, ID’s, cash, credit card, affidavit of support mula sa sponsor at proof of financial capacity upang patunay na hindi ito magiging “public charge” o sakit ng ulo sa kanyang pupuntahang bansa.
Maging kalmado at huwag maging arogante sa pagsagot sa mga katanungan ng IOs at maging honest sa mga sagot dahil sa “profiling” pa lang ay malalaman kung nagsisinungaling ang isang pasahero na maaaring maging grounds upang hindi payagan na makaalis. Iwasan din na magtangka na magdala ng fake documents at ayusin ang pananamit mo “Inday” dahil maaaring isipin na ika’y produkto ng human trafficking.
Hindi rin dapat ikatakot na ipakita ang nilalaman ng inyong phone o laptop kung wala kayong itinatago dahil nais lamang siguruhin na walang koneksyon ang pasahero sa human trafficking syndicate at illegal labor. Kung mayroon man kayong itinatago at makalusot sa airport ay hindi pa rin kayo lusot sa ibang bansa na maaaring mahantong sa pagkakulong at pagka-deport pabalik ng bansa at maging ang IO na nakapirma sa departure stamp ay posibleng makasuhan at masibak sa serbisyo.
Suportado ng BI ang nais na pagbabago nina PBBM at Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez na magbigay ng tama at tapat na serbisyo sa sambayanang Pilipino.
(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
