(BERNARD TAGUINOD/DANG SAMSON-GARCIA)
BIGONG maghayag ng solusyon sa ugat ng problema at kahirapang dinaranas ngayon ng mga Pilipino ang ikaapat na State of the Nation Address (SONA) ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes.
Dismayado si ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio sa kabuuan ng isang oras at sampung minutong talumpati ni Marcos na tila muling pinaaasa ang karaniwang mamamayan.
“Ang SONA ni Marcos ay puno ng mga pangako sa papel pero walang tunay na solusyon sa mga ugat ng kahirapan ng ating mga kababayan. His claims of economic progress ring hollow when millions of Filipinos continue to suffer from low wages, lack of decent jobs, and inadequate social services,” ani Tinio.
Ayon sa militanteng mambabatas, ipinagmayabang ni Marcos ang mga dagdag na trabaho umano sa mga Pilipino subalit karamihan sa mga trabahong ito ay walang katiyakan, mababa at hindi nakabubuhay ang sahod.
“Walang anomang pagbanggit sa pagtaas ng sahod – talagang allergic ang Pangulo sa panawagang ito ng mga manggagawa at mamamayan,” ayon pa sa mambabatas.
Maging ang tulong umano ng Marcos administration sa maliliit na negosyo ay puro band-aid lamang at wala rin itong solusyon sa mga magsasakang walang sariling lupa at makatotohanang industriyalisasyon.
Ipinagmalaki rin aniya ng Pangulo ang P20 na presyo ng bigas subalit hindi lahat ng mamamayan ay nakikinabang dahil sa iilang Kadiwa stores lang ito ibinebenta na posibleng hindi rin magtagal.
“Real agricultural reform requires land to the tiller, higher farmgate prices, dismantling of cartels, and protection from import liberalization – issues completely ignored in the SONA,” banggit pa ni Tinio.
Bagama’t binanggit aniya ng Pangulo ang problema sa tubig, hindi nito sinabi na ang privatization at deregulation ang nagdulot ng mahal at hindi maaasahang serbisyo sa mga utilidad tulad nito.
Dahil dito, sinabi ni Tinio na sa ikaapat na pagkakataon ay muling binigo ni Marcos ang sambayanang Pilipino.
Online Gambling,
Wage Hike
Nanghihinayang naman ang ilang senador na hindi nabanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA ang isyu sa online gambling at dagdag sahod.
Sinabi ni Senate Majority Leader Joel Villanueva na patuloy ang kanilang panawagan na ipagbawal nang tuluyan ang online sugal dahil wala itong naiaambag na mabuti sa lipunan.
Nanindigan din si Villanueva na ang tunay na serbisyo sa bayan ay ang pagtindig laban sa mali at paninindigan para sa tama, kahit hindi ito popular.
Nangako naman si Senador Pia Cayetano na bagama’t hindi nabanggit sa SONA ang online gambling ay patuloy silang mag-iingay upang mailabas ang masamang epekto nito.
Tinawag niyang isang sakit ang online gambling na nakasisira ng pamilya.
Sinabi naman ni Senador JV Ejercito na nasa priority measures ang panukalang pag-ban sa online gambling subalit sa dami anya ng proyekto, programa, ay tila nakalimutan ito.
Sa panig ni Senador Christopher ‘Bong’ Go, sinabi niyang nabanggit man sa SONA o hindi, patuloy niyang isusulong ang panukalang tuluyang ipagbawal ang online gambling sa bansa.
Binigyang-diin na masyado nang malaki at malalim ang social cost ng online gambling at kailangan na ng batas para gawin itong isang krimen.
Para naman kay Senador Juan Miguel Migz Zubiri, bagama’t naging komprehensibo ang SONA ni PBBM, dismayado siya sa hindi pagkakabanggit sa ilang mahahalagang isyu.
Partikular na tinukoy ni Zubiri ang usapin sa dagdag sahod sa minimum wage earners na mahalaga anya sa publiko.
Iginiit ni Zubiri na mahalagang magkaroon ng disenteng sahod ang mga manggagawa at mabigyan sila ng proteksyon laban sa anomang exploitation.
Ikinatutuwa naman ng senador na marinig sa Pangulo ang isyu ng transparency subalit dapat ito anya ay may kaakibat na decisive action.
Kailangan anyang imbestigahan hindi lang ang mga implementing agencies kundi maging ang mga mambabatas na nagpasok ng kuwestyonableng budget amendments.
Tanong ng senador, kung bibigyan ng kapangyarihan ang Ombudsman na sila ay imbestigahan, kasuhan at papanagutin.
Tiniyak naman ni Zubiri na sila sa Senate Minority bloc ay mananatiling vigilante upang matiyak na ang lahat ng pangako ng Pangulo sa SONA ay matutupad.
186 