DPA ni BERNARD TAGUINOD
TUWING nagbubukas ang bagong Kongreso, paligsahan ang mga congressman sa paghahain ng kani-kanilang panukala para amyendahan ang isang umiiral na batas na hindi na epektibo para isulong daw kapakanan ng bawat Pinoy at ng bansa sa kabuuan.
Sa katunayan, madaling araw pa lamang ay pumipila na ang mga staff ng mga congressman sa Bills and Index Division para ihain ang panukalang batas ng kanilang amo na sisipot lang kapag naihain na at meron nang numero para humarap sa media o kaya ay magpapa-picture.
Ang unang sampu as in 10 panukala, ay inilalaan sa Speaker of the House at kung sino ang una sa pila ay sa kanya ang House Bill (HB) No.11 kaya nag-uunahan sa pila ang mga tauhan ng mga kongresista.
Pero ang agaw-pansin tuwing nagbubukas ang bagong Kongreso ay ang mga ‘paasang panukalang batas’ tulad ng pagtataas ng sahod ng mga manggagawa, pagbabawas ng buwis, kapakanan ng kung ano-anong sektor ng lipunan.
Ang asal ng mga mambabatas lalo na ‘yung mga bagito as in bagong salta pa lamang sa Kongreso, tuwing naghahain sila ng ganitong uri ng panukala, ay akala mo bukas ay aaprubahan na at magiging batas na ito.
Ang ganitong mga panukala ay paasa lang dahil karaniwang hindi binibigyang pansin ‘yan ng committee chairman lalo na kung may utos sa liderato ng Kamara dahil malakas ang lobby na huwag ipasa ‘yan.
Tulad na lamang nitong taas-sahod, pagbuwag sa mga regional wage board, pagpapatigil sa Endo as in Contractualization scheme na naihain na sa ilang Kongreso pero hindi naka-aabot sa Bicameral Conference Committee.
Noong nakaraang Kongreso, kapwa nagpasa ang Senado at Kamara ng panukala para sa legislative wage hike pero hindi umabot sa Bicam kaya hindi na nagkaroon ng pagtataas sa sahod sa lahat ng mga manggagawa sa buong bansa.
Walang naniniwala na walang papel ang mga employer sa kinahinatnan ng panukalang legislative wage hikes kaya hindi umabot sa Bicam at ngayong 20th Congress, kung umasta ang mga baguhang kongresista ay parang siguradong-sigurado na sila na magkakaroon ng mas malaking umento.
Hindi ‘yan magiging batas kung hindi niyo i-pressure ang lider n’yo sa Kamara, walang mangyayari riyan kung hindi niyo kumbinsihin ang Pangulo ng bansa na suportahan ‘yan at lalong walang mangyayari kung hanggang filing lang ang ginagawa niyo para masabi lang na nag-file kayo ng panukala para sa mga manggagawa.
Ang masama pa, saka lang kumikilos ang Kongreso kung kailan malapit nang magtapos ang kanilang sesyon tulad ng lamang nitong P200 wage increase na sa huling linggo ng 19th Congress pinagtibay gayung noong 2024 pa ipinasa ng Senado ang kanilang bersyon na P100.
Kaya ang payo sa neophyte congressmen ay huwag sanang hanggang paasa lang kayo dahil hindi sa paramihan ng panukala na ihahain masusukat kung may pakinabang ba sa inyo ang mamamayan kundi maging aktibo mula sa committee hanggang sa plenaryo.
