NANG isabatas ang Customs Modernization and Tariff Act (CMTA), isa sa mga tampok na probisyon nito ay ang paglalaan ng gantimpalang salapi para sa mga impormanteng karaniwang sandigan para sa matagumpay na operasyon kontra smugglers at tiwaling kawani ng Bureau of Customs.
Kung tutuusin, matagal nang kalakaran ang ganitong sistema – ang paggamit ng mga impormante, asset at iba pang pinaghuhugutan ng impormasyong higit na kailangan sa pagtukoy ng mga taong sangkot sa anumang iligal na transaksyong may kaugnayan sa pumapasok at lumalabas na kargamento sa bansa.
Ito mismo ang tinugunan sa ilalim ng Section 1521 ng CMTA kung saan ginagarantiyahan ang pabuya para sa mga impormanteng sukdulang isugal ang kanilang buhay para sa ikatatagumpay ng operasyon kontra smuggling.
Bagama’t may legal na batayan ang pagbibigay ng gantimpala, naibibigay ba talaga sa mga impormante ang itinakdang 20% katumbas na halaga ng mga nasamsam na epektos? Bakit kailangang patawan ng 10 porsyentong withholding tax ang gantimpala?
Ang totoo, walang matagumpay na operasyon kontra smuggling kung wala ang mga impormanteng tila kinakaligtaang kalingain batay na rin sa probisyong nagtatakda ng kanilang pabuya.
Ano bang proteksyon ang mayroon ang pamahalaan para sa mga buwis-buhay na impormante? Baka naman ultimo pagpapagamot o pagpapalibing sa kanila ay wala.
Sa ganang akin, angkop lamang na ibigay ang sadyang para sa mga impormante kung sadyang sinsero ang pamahalaan na tuldukan ang pamamayagpag ng mga smugglers na kumikitil sa ekonomiya ng bansa.
Higit na kailangan ngayon ng BOC ay ang mekanismong magiging interesante at katanggap-tanggap sa hanay ng mga impormante upang pag-igihan pa ang kanilang buwis-buhay na trabahong hindi rin naman kaya ng mga kawaning tanging sa tanggapan lamang nakatuon ang trabaho.
Pero hindi naman angkop na isapubliko ang kanilang pagkakakilanlan dahil pag nagkataon, buhay naman nila ang malalagay sa balag ng alanganin.
Isa lang ang tiyak – batid ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero (na isang retiradong sundalo ng Hukbong Sandatahan) ang peligrong kaakibat sa bawat sandali ng pangangalap ng impormasyon ng mga impormante.
Dapat din pagtuunan ng pansin ni Guerrero ang mga district collection offices na sablay sa kanilang koleksyon, bagay na maaring dulot ng korapsyon kung hindi man ang pamamayagpag ng mga
piratang dagat sa kanilang nasasakupan.
oOo
Para sa sumbong maaaring makipag-ugnayan sa email (operarioj45@gmail.com) o sa telepono (0919-25959-07).
