(DANG SAMSON-GARCIA)
NANINDIGAN si Senador Manny Pacquiao sa nauna nitong pahayag na sadyang maraming katiwaliang nagaganap sa kasalukuyang administrasyon.
Kasabay nito, tiniyak ni Pacquiao na isusumite niya kay Pangulong Rodrigo Duterte ang listahan ng mga katiwaliang kanilang nakalap.
“I accepted the challenge of the President and we will submit all the documents about corruption,” saad ni Pacquiao.
“Ang dami, ang dami. Baka mahihilo siya kapag makita nya ang lahat. hindi ako ang nag-imbestiga. Sila mismo ang nagsubmit sa akin. Yung mga hindi nakakayanan sa sariling ahensya nila, sila mismo nagpo-provide sa akin, binibigay sa akin at nagsusumbong sa akin. Anong gagawin ko? Ibibigay ko sa dapat mag-aksyon, which is the executive department,” diin ng Pambansang Kamao.
Kasabay nito, nangako si Pacquiao na mananatili siyang maka-masa anoman ang mangyari.
“Kapag puso ni Manny Pacquiao mananatiling mahirap katulad nila. Kahit anomang marating ko sa buhay, anomang tugatog ng tagumpay ang marating ko, anomang yaman ang makamtam ko, ang puso ni Manny Pacquiao mananatiling mahirap katulad ng mahihirap na tao na naghihirap hanggang ngayon. Yun po ang commitment ko,” diin ng mambabatas.
Noong Lunes ng gabi, hinamon ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Pacquiao na pangalanan ang mga corrupt official sa gobyerno para patunayan ang sinabi nito na naging malala ang korapsyon sa ilalim ng Duterte administration.
“If you fail to do that, I will campaign against you because you’re not doing your duty. Do it. If not, I will just tell the people, ‘Do not vote for Pacquiao because he is a liar,'” ayon kay Pangulong Duterte sa kanyang Talk to the People.
“I put you on notice. Isasabi ko lahat at kakalabanin kita (sa) panahon ng election. ‘Pag hindi, you’ll just be another son of a bitch playing politics,” dagdag na pahayag ng pangulo.
Subalit, kapag nakapagbigay naman ng pangalan ng mga kurakot na opisyal ng pamahalaan si Pacquiao ay kaagad umano siyang gagawa ng hakbang.
218
